Mga botanteng Pinoy na nasa edad 18 hanggang 44 ang mayorya sa darating na Eleksyon 2025 sa Mayo, batay sa nakalap na datos ng GMA Integrated News Research.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, tumaas ng halos 10 milyon ang voting population ngayong taon sa 75,940,535, mula sa 65,745,512 noong Eleksyon 2022.

Hanggang nitong Enero 23, 2025, nakasaad sa datos ng Comelec na may 69,673,655 ang rehistradong botante.

Ayon sa GMA Integrated News Research, nahahati ang bilang ng mga botante batay sa henerasyon na:

  •   25.94 milyon ang Millennials, o isinilang ng mula 1981 hanggang 1996, na kumakatawan sa 34.15% ng voting-age population
  •   21.87 milyon ang Gen Z, na isinilang ng mula 1997 hanggang 2007, na kumakatawan sa 28.79% ng voting-age population
  •   17.64 milyon ang Gen X, na isinilang ng mula 1965 hanggang 1980, na kumakatawan sa 23.22% ng voting-age population, at
  •   10.50 mula sa Baby Boom at Silent Generations, na isinilang ng mula 1946–1964 at 1928–1945 ayon sa pagkakasunod, o kumakatawan sa 13.83% ng voting-age population

Dahil dito, umaabot sa 63% ng voting-age population at 68% ng registered voters para sa Eleksyon 2025 ang mga Millennial at Gen Z voters.

Noong 2022, ang mga millennial din ang pinakamalaking grupo ng mga botante sa bansa, na sinundan ng Gen X-ers. Ang Gen Z-ers naman ang mayroong pinakamalaking pagtaas ng bilang ng mga botante na mula sa 13.11 milyon noong 2022 na naging 21.87 milyon ngayong 2025.

Gaganapin ang halalan sa Mayo 12, 2025 para sa national at local midterm elections. — FRJ, GMA Integrated News