Babaeng ilalabas na sana sa ospital asawa, natangayan ng P100,000 online ng nagpakilalang tauhan ng isang ospital sa Maynila.
Mangingiyak na humarap sa media ang 37 anyos na babae nang ikwento niya ang kanyang naranasan.
Sa kuwento ng biktima, for discharge na sana kahapon ang kanyang asawa na na-confine sa ospital noong nakaraang buwan matapos atakihin sa puso.
Pero dahil malaki pa ang kanilang babayaran para sa professional fee ng siyam na doktor ng kanyang asawa, sinubukan nilang makiusap.
Hanggang sa isang tawag ang kanilang natanggap at sinabing bibigyan siya ng discount sa professional fee para sa dalawang doktor ng kanyang asawa.
Pero ang demand ng kanyang kausap, online transaction para raw hindi na sila makaltasan pa ng tax.
“Ang pakilala niya po sakin is si Mariella M. Dela Cruz daw po siya, manager officer daw po siya ng isang doktor po ng husband ko po,” ayon sa biktima.
“Kilalang kilala po kasi nila ung doktor po, kung ano yung doktor po kaya naniwala po kami na makaka discount kami, pinasend po samin through Go Tyme po,” dagdag niya.
Mabilils daw silang naniwala dahil nakapangalan sa isa sa mga doktor ang account number na kanilang pinagpasahan ng pera.
Pagkatapos ay dito pa lamang nagkaroon ng pagkakataon ang isa sa mga nurse ng ospital na matawagan ang doktor.
Dito na nila nalaman na scammer ang unang nakausap ng biktima.
Napag alaman naman na na-ipost pala ng kanyang kaibigan ang pangalan ng mga doktor ng kanyang asawa para sana makahingi ng donasyon online.
Sa ngayon ay lumapit na sila sa tanggapan ng PNP Anti-Cybercrime Division para ma-trace ang scammer.
Problema ng biktima kung paano makakakuha ng pondo para makalabas na ng ospital ang kanyang asawa.
Aabot pa raw kasi sa kalahating milyon ang kanilang balanse at mas madadagdagan pa ito habang nananatili sila sa ospital.
Hindi rin umano kasi tumatanggap sa ngayon ng guarantee letter ang ospital at wala rin silang pang collateral para makapag promissory note.
“Yung stress din po kasi na dinadala sa kanya na nagsstay pa po kami sa ospital, mas nahihirapan po kasi siya baka po kasi magkaroon ulit siya ng heart attack po,” ayon sa biktima.
Ayon sa isang empleyado ng ospital, tumatanggap sila ng guarantee letter. Pero sa usaping scam, labas daw sila doon, ayon sa empleyado.
Sinusubukan pa namin makuha ang pahayag ng pamunuan ng ospital. — BAP, GMA Integrated News