Nahuli-cam ang ginawang panunutok ng baril at pagholdap ng isang rider ng motorsiklo sa isang babaeng estudyante sa Barangay Pembo sa Taguig.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera sa isang eskinita na hinatak ng suspek ang bag ng biktima habang nakatutok ang baril.

Nagpumiglas naman ang babae hanggang sa matumba siya at nabitawan ang cellphone.

Mabilis namang umalis ang suspek nang makuha ang cellphone ng estudyante at bag na may laptop at wallet.

Ayon sa biktima, napansin niya habang naglalakad siya sa C-5 na sumasabay sa kaniya ang isang motorsiklo na sakay ang suspek.

Sinundan pa siya ng suspek hanggang sa eskinita at doon na nangyari ang pagholdap sa kaniya.

Inireport na sa mga awtoridad ang insidente at inaalam na ang pagkakakilanlan ng suspek.-- FRJ, GMA Integrated News