Isang lalaki ang nagtamo ng mga sugat matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa basketball court ng barangay sa Tala, North Caloocan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente sa Barangay 187 noong Enero 24.

Nabulabog ang mga residente matapos makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril, at pagtatakbuhan ng mga tao.

Nagtamo ng anim na tama ng bala ang 55-anyos na biktima.

Ayon sa kaniya, nagwawalis siya sa court nang bigla siyang pagbabarilin ng isang lalaki na nakasuot ng helmet.

"Mga ilang segundo lang habang nagwawalis ako, nakita ko agad pag ganu'n (lingon) ko nakatutok na sa akin 'yung baril. Patakbo akong palayo sa kaniya pero nilalapitan niya ako, binaril niya ako nang binaril. Pagdating ko sa looban, ramdam ko pa may pumasok pang bala sa katawan ko," sabi ng biktima.

Nasaksihan pa ito ng kaniyang 12-anyos na anak.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nasa likod ng pamamaril ang isang riding-in-tandem na patuloy pa nilang tinutugis.

Ayon sa biktima, hinala niyang kasabwat din sa pamamaril ang ilang opisyal ng barangay sa lugar, dahil kilala siyang kritiko ng ilang proyekto sa barangay.

"Ang alam ko 'yung gunman, hired killer 'yon, 'yun ang nasa isip ko. Noong pinagbabaril ako, andoon sila. Ang ipinagtataka ko lang 'yung bumabaril sa akin talagang walang habas, parang wala siyang nakikitang mga opisyal ng barangay na mga naka-uniporme," sabi ng biktima.

"'Yung tao ng barangay ay sila ay nakipagsabwatan, nakikipagtulungan upang gawin sa kaniya 'yung ganu'ng pangyayari," sabi ni Police Captain Gilmer Mariñas, Tala Police Substation Commander, tungkol sa salaysay ng biktima at testigo.

Ayon naman sa barangay, nagkataon lang na naroon sila nang maganap ang pamamaril, at agad pang tumawag ng pulisya.

"Ang purpose namin ng pagpunta roon talagang trabaho lang. Wala po kaming kinalaman talaga totally sa pangyayari," sabi ni Barangay 187 Kagawad Dondie Cruz.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril.

Mahaharap ang mga sangkot sa reklamong frustrated murder.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News