Dalawang beses sumemplang ang isang rider na dumaan sa EDSA Busway nang tangkain niyang tumakas matapos sitahin ng mga awtoridad. Nang tanungin, natuklasan na wala siyang lisensya at walang rehistro ang kaniyang motorsiklo.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News Saksi nitong Lunes, idinahilan ng rider na nagmamadali siyang makauwi dahil nasa ospital umano ang kaniyang asawa sa Bulacan.
Pero nang hanapin na ang kaniyang lisensiya at rehistro ng motorsiklo, wala siyang naipakita. Kaya bukod sa na-impound ang kaniyang sasakyan, umabot sa P15,000 ang kaniyang multa.
Ilang rider at mga sasakyan pa ang hinuli sa pagdaan sa busway, kabilang ang isang ambulansiya na walang sakay na pasyente.
Dahil sa mga nahuhuli, hanggang nitong Enero lang, umabot na sa lampas P7 milyon ang multang nakalap ng gobyerno mula sa mga pasaway na rider at mga motorista.
Nasa P189 milyon naman ang nakalap ng gobyerno mula sa mga multa noong 2024.
Ngunit ayon sa Department of Transportation (DOTr) Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), kung hindi natatakot ang mga pasaway sa pagtuloy na paglabag sa pagdaan sa busway, ipinaalala nito ang "demerit point" sa mga lisensya na limang puntos ang mababawas sa bawat violation.
Ang bawat lisensiya, mayroon lamang 40 points, na kapag naubos, mare-revoke ang lisensiya at uulit sa buong proseso driver o rider para makakuha muli ng lisensiya. Ibig sabihin, balik sa pagiging student, non-pro bagong maging professional.-- FRJ, GMA Integrated News