Sapul sa kuha ng CCTV sa isang coffee shop sa Barangay Sto. Niño, Marikina City nitong magtatanghali ng Linggo ang isang lalaki na nagnakaw ng gadget na nagsisilbing POS o point of sale machine ng establisimyento.

Sa kuha ng CCTV, kita ang isang babaeng staff na nakatalikod na tila may inaayos.

Isang lalaki namang nakasuot ng bonnet ang pumasok sa tindahan.

Lumapit ito sa counter na para bang oorder nang biglang kinuha ng lalaki ang gadget na nakapatong sa counter ng coffee shop.

Agad umalis ang lalaki na hindi agad napansin ng staff.

Ayon sa may-ari ng coffee shop, aabot sa P15,000 ang halaga ng nanakaw na gadget.

“'Yung staff po namin may sinasalin po siya sa container na ginagamit po namin na paninda. Mabilis po 'yung nangyari. Kinuha niya po 'yung tablet nang marahan lang. Then, lumabas po siya ng dire-diretso. Tinago niya siya sa tagiliran niya,” sabi ni Ariel Inocencio, ang may-ari ng coffee shop.

Nang i-check ang GPS ng gadget, napag-alamang pinatay na ng kawatan ang cellular data nito kaya't hindi na na-locate pa ang ninakaw na item.

Bukod sa pag-file ng reklamo sa barangay, nag-post din sa social media ang shop owner ng CCTV footage ng nangyaring pagnanakaw. Agad namang nag-viral ang nasabing video.

“Marami rin pong nagpahayag ng mga komento nila na kilala daw po nila 'yung suspect. And marami nagsasabi na around taga-dito lang po sila sa may palengke na area,” ayon kay Inocencio.

“May nakakakilala sa kanya and then gumawa agad ng follow-up na investigation ang ating barangay,” sabi ni Miko de la Paz, barangay tanod.

Napapadalas daw sa lugar ang mga insidente ng salisi sa mga establisimyento, ayon sa barangay.

“Dahil po sa nangyari, siyempre naapektuhan po 'yung daily operations namin since hindi kami makapag-punch, kung magma-manual na lang po kami, ganu'n. Sana ibalik niya na lang po kasi talagang kailangan po namin siya sa business po namin," dagdag ni Inocencio.

Nai-report na sa pulisya ang insidente.

Patuloy naman ang pagtunton sa salarin. —KG, GMA Integrated News