Ginulat ng Lakers at Mavericks ang NBA fans matapos iulat ng ESPN nitong Linggo ng umaga na plantsado na ang negosasyon para sa paglipat ni Luka Doncic sa Los Angeles, habang sa Dallas naman si Anthony Davis.
Ayon sa Elias Sports Bureau, wala pang naganap na trade sa kasaysayan ng liga na nagkaroon ng palitan ng mga manlalaro sa kalagitnaanng All-NBA selections.
Bukod sa palitan ng dalawang NBA star players, makukuha rin ng Lakers sina Maxi Kleber at Markieff Morris, habang makukuha naman ng Mavericks si Max Christie at first-round draft pick sa 2029.
Iniulat din ng ESPN na kasama rin ang Jazz sa trade at makukuha si Jalen Hood-Schifino at second-round draft pick sa 2025 sa pamamagitan ng Los Angeles Clippers mula sa Lakers. Ibibigay din ng Dallas ang 2025 second-round selection sa Utah.
"I believe that defense wins championships," sabi ni Mavericks general manager Nico Harrison sa ESPN. "I believe that getting an All-Defensive center and an All-NBA player with a defensive mindset gives us a better chance. We're built to win now and in the future."
Ikinagulat din ng ibang professional athletes ang naturang trade, at inakala rin ng ibang NBA fans na prank o biro lang ang impormasyon.
"WOWWWWW NO F WAY," saad sa post sa X ni Philadelphia 76ers big man Joel Embiid .
"Nah (ESPN NBA insider) shams (Charania) gotta be hacked," ayon sa post sa X ni Oklahoma City Thunder guard Alex Caruso.
Ayon sa ESPN, ang Dallas umano ang nag-alok sa Lakers para ipagpalit si Doncic, Naniniwala naman umano ang Los Angeles na ang five-time All-Star player ang may kakayahan na maging mukha ng kanilang franchise sa hinaharap
Sa ngayon, mag-e-enjoy ang NBA fans na makita si Doncic na maglalaro para sa LA kasama si LeBron James, na nasa kaniyang ika-22 NBA season.
Sinabi pa ng ESPN, na hindi umano alam nina James ang kasunduan, maging sina Doncic, Davis, at iba pang manlalaro, at maging ang ilang coach sa magkabilang koponan.
Noong Sabado lang umano ng gabi nalaman ni James ang naturang trade.
Parehong hindi nakapagpapalaro sa kani-kanilang koponan sa ngayon sina Doncic at Davis dahil sa injuries, maging sina Kleber at Hood-Schifino.
Kaya maaaring maghihintay pa ang NBA at Lakers fans na makikita ang tandem nina Doncic at James sa Los Angeles team dahil kailangang pang suriin muli si Doncic, ayon sa Mavericks ng isang buwan, habang sa susunod na linggo naman ang re-evaluation ni Davis.
May kartadang 28-19 ang Lakers sa Western Conference, habang 26-23 naman ang Mavericks.--Field Level Media/Reuters/FRJ, GMA Integrated News