May good news at bad news sa magiging galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. Inaasahan na matatapyasan ng hanggang P1 bawat litro ang presyo ng diesel at kerosene pero tataas naman ang presyo ng gasolina.
Batay sa galaw sa international trading nitong nakalipas na apat na araw, inihayag ni Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero, na posibleng nasa P0.40- P0.70 per liter ang madagdag sa presyo ng gasolina.
Samantala, nasa P1.30 -P1.60 per liter ang posibleng matapyas sa presyo ng diesel, at P0.85 -P1.00 per liter naman sa kerosene.
Kabilang sa mga dahilan umano ng inaasahang price pag-adjust ay ang panawagan ng US President Donald Trump para sa mas mababang presyo ng langis at mas mataas na produksyon sa US at iba pang major suppliers including the Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC); ang pagdami ng imbentaryo ng US; at ang kawalan ng katiyakan hinggil sa posibleng taripa ng US sa Canada at Mexico.
“But the OPEC+ Joint Ministerial Monitoring Committee that oversees the group’s crude production agreement will meet this February 3 to look into the oil market situation again,” ayon kay Romero.
Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis sa Pilipinas ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad naman sa susunod na araw ng Martes.— FRJ, GMA Integrated News