Dead on the spot ang isang barangay tanod sa Tondo, Maynila, matapos siyang barilin nang malapitan ng kanyang dating kakosa.
Kita sa CCTV ang nangyaring pamamaril sa Barangay 38.
Sa kuha ng CCTV, mukhang normal na nag-iinuman lang ang isang grupo ng kalalakihan.
Pero ang isa sa kanila, biglang naglabas ng baril.
Ikinasa niya ito at ilang beses nagpaputok ng warning shot.
Pagkatapos ay itinutok niya na ito sa lalaking may balabal na tuwalya at ilang beses na siyang pinaputukan.
Ayon sa taga-barangay, nadatnan nila ang biktima na patay na.
"Una po, isang putok tapos nagsunod-sunod na po 'yun," aniya.
Bago ang pamamaril, makikita ang lalaking nakasuot ng green na jersey na ilang beses umalis sa inuman.
Inutusan daw siya ng gunman na ipatawag mula sa kanilang bahay ang biktima na noo'y gumagawa ng biko na kanilang ititinda.
Kuwento ng kaanak ng biktima, tatlong beses silang pinuntahan.
"Sa pangatlong beses, sinabing 'pag hindi daw bumaba si Jonjon, aakyatin na namin. Kesa madamay 'yung ibang tao du'n sa loob, 'yung kapitbahay na kapit kwarto, bumaba ang kuya," aniya.
Makikita pa sa CCTV na pagkarating sa inuman, napasaludo pa sa gunman ang biktima bago siya nito pinaupo malapit sa kanya hanggang sa tuluyan na siyang pinagbabaril ng suspek.
Agad tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. Tumakas din ang apat niyang kainuman.
Ayon sa kaanak ng biktima, dating magkakosa sa bilangguan ang gunman at ang biktima.
Matapos ang pamamaril, isang lalaki raw na kakilala rin ng biktima ang tinawagan ng gunman.
Dito niya ikinuwento na tila nabastos ng biktima ang kanyang nanay na siyang naging ugat ng krimen.
"Parang dumaan daw. 'Ayan 'yung nanay ni ganito.' 'O, 'yan ba? May asim pa 'yan ah,' sabing gano'n. Nakarating ata do'n," sabi na kaanak ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay dito.
Ongoing din ang pagtugis ng mga pulis sa gunman na wanted din sa iba pang insidente ng pamamaril sa lungsod.
Tinutugis din ang iba pang kainuman na posibleng maharap din sa kaso.
Apela naman ng kaanak ng biktima, sumuko na lang ang gunman para mabigyan ng hustisya ang biktima. —KG, GMA Integrated News