Sugatan ang isang 74-anyos na lola matapos maaksidente sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi.
Na-hit-and-run daw ang biktima ng isang tricycle mag-aalas-onse ng gabi.
Ayon sa Barangay 110, agad naman nilang itinawag ang aksidente pero tumagal pa ng 20 minuto bago nakarating ang ambulansiya.
Nakahandusay pa sa kalsada ang biktima nang datnan ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.
Nabagok daw ang ulo ng biktima.
Hinala ng Barangay, ang lalaki na nagsabi sa kanila ng aksidente ang posibleng nakabundol sa biktima.
Paika-ika raw kasi itong lumapit sa kanila at bigla ring nawala.
Sabi naman ng Barangay, bukod sa mabibilis na sasakyan, problema din nila ang mga poste ng ilaw na may oras na hindi gumagana.
Patuloy namang hinahanap ang tricycle driver na nakabundol sa biktima. —KG, GMA Integrated News