Patay ang isang pulis matapos umano'y barilin at pagputul-putulin ang katawan ng kapwa niya pulis sa Camp Bagong Diwa sa Lower Bicutan, Taguig City. Ayon sa awtoridad, nahuli umano ng suspek ang kanyang asawa sa isang "very intimate" na sitwasyon kasama ang biktima.

Sa panayam sa Dobol B TV nitong Sabado, sinabi ni Police Major Hazel Asilo, public information officer ng Southern Police District (SPD), na naganap ang krimen noong Nobyembre 28.

May ranggong police executive master sergeant ang biktima, na hindi muna pinangalanan.

Sinabi ni Asilo na natagpuan ang bangkay ng biktima noong Disyembre 5 na ibinaon sa ancestral home ng lalaking suspek sa Baguio City.

Isa namang police lieutenant colonel ang suspek, na umamin sa krimen at nagsagawa na ng affidavit.

Sinabi ni Asilo na patuloy ang imbestigasyon sa insidente, at isa sa anggulong tinitingnan ng pulisya ang crime of passion.

Ayon kay Asilo, sinabi ng suspek na nahuli niya ang biktima at ang sarili niyang asawa, na isa ring executive master sergeant, sa isang "very intimate" na sitwasyon.

"Based po roon sa binigay na statement ng ating suspek, naaktuhan nga niya itong ating isang suspek at ating victim sa very intimate na sitwasyon. Siguro, dahil ang sabi niya bugso ng kaniyang damdamin, nabaril niya itong ating victim," sabi ni Asilo.

At sa pagkaka-alam niya, based doon sa kaniyang kuwento is merong relasyon itong dalawang executive master sergeant," dagdag ni Asilo.

Pagkatapos ay pinagputol-putol umano ng suspek ang katawan ng biktima.

Gamit ang isang pickup, dinala raw ng lalaking suspek ang bangkay ng biktima sa Baguio City kung saan niya ito ibinaon.

Kalaunan, sinabi ng suspek sa pulisya kung saan inilibing ang bangkay.

Dagdag pa ni Asilo, na bago nadiskubre ang bangkay ng biktima, napa-ulat na nawawala ang biktima.

"Merong mga reports at merong nakikita tayo sa social media na [posts na] hinahanap itong victim. 'Yung anak niya mismo ang nagpunta sa Camp Bagong Diwa dahil doon niya huling alam nagpunta ang kaniyang tatay," sabi niya.

"Kaya natunton ang huling unit na pinuntahan [ng biktima]," dagdag ni Asilo.

Itinuring din ng pulisya bilang suspek ang asawa ng suspek at maaaring maharap sa kaso ng conspiracy dahil isinagawa ang krimen habang naroon siya.

Maaari ring kasuhan ng murder ang mag-asawa, ani Asilo.

Pareho silang nasa kustodiya na ng pulisya.

Patuloy na naghahanap ang mga pulis ng ebidensya sa krimen, habang ang pickup naman inilagay din sa kustodiya ng pulisya.

Sinabi ni Asilo na hinihintay pa nila ang forensic report para malaman kung ilang putok ng baril ang tinamo ng biktima. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News