Umabot na sa 30 ang bilang ng mga sugatan matapos mawalan ng preno ang isang truck na nang-araro ng mga sasakyan sa Katipunan flyover sa Quezon City. Ang truck driver, hawak na ng pulisya.
Sa ulat ni Maki Pulido sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nasa kustodiya na ng Traffic Sector 3 ang driver ng truck, at isinailalim na rin siya sa drug test.
Ayon sa truck driver, wala siyang planong tumakas matapos ang insidente.
"Natakot lang po ako, baka kuyugin po ako kaya nagpunta po ako sa bahay para magpasama po ako sa asawa ko. Noong papunta po kami, paalis na po kami roon sa bahay, sakto naman po na may pulis na po," anang truck driver.
Palusong na siya umano nang maramdaman niyang hindi kumagat ang preno ng truck.
"Marami po kasing mga motor po kaya gusto ko sana dito sa gilid po kasi andito 'yung naka-gutter po ng flyover para huminto po. 'Pag gilid ko po ma'am, may natamaan na po eh, natamaan ng L300," sabi pa ng truck driver.
Sa lakas ng impact, humiwalay ang likurang bahagi ng L300.
Nakaparada na ito sa ilalim ng Katipunan-Aurora flyover, kasama ang tatlong iba pang sasakyan, at 16 motorsiklo.
Isasama sa imbestigasyon kung tunay na pumalya ang preno ng truck.
Nahaharap sa reklamong multiple damages to properties at multiple physical injuries ang truck driver, ngunit depende ito kung magsasampa ng reklamo ang mga biktima sa loob ng 36 oras.
Tumagal ng anim na oras bago muling nabuksan ang kalsada.
Naglabas na rin ng show cause order ang Department of Transportation para sa driver at sa may-ari ng truck upang imbestigahan kung may pananagutan din ito.
Pagpapaliwanagin ang may-ari kung bakit hindi siya dapat maharap sa reklamong administratibo, at ang driver kung bakit hindi dapat ma-revoke ang kaniyang lisensiya at sampahan ng reklamong reckless driving.
Matatandaang apat ang patay sa insidente.
Nagkalat naman sa Katipunan-Aurora flyover northbound lane ang mga yupi-yuping sasakyan at motorsiklo at mga basag na salamin, samantalang umaalingawngaw ang mga sirena ng mga ambulansiyang rumeresponde sa mga biktima.
Naganap ang insidente 6:55 p.m. ng Huwebes, nang salpukin ng truck ang mga sasakyan at motor na naipit sa traffic.
Kabilang sa mga nasawi ang tatlong lalaki at isang babae, na pawang mga sakay ng motorsiklo.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
Sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Katipunan flyover, umabot na sa 30; truck driver, hawak na ng pulisya
Disyembre 6, 2024 10:15pm GMT+08:00