LUCBAN, Quezon — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang turnover ceremony ng mga greenhouse at post-harvest facility para sa mga magsasaka sa Lucban, Quezon.
Mula ang mga ito sa Korea Partnership for Innovation of Agriculture (KOPIA), na isang Official Development Assistance (ODA) program ng Rural development Administration na pinakamalaking agricultural research and development organization sa Korea.
Ayon sa Pangulo, dahil sa nagbabagong panahon, kailangang matuto ng ating mga magsasaka ng makabagong teknolohiya at pamamaraan.
"'Yan po ang pinakamahalagang dala nitong project na ito dahl alam natin, nakikita po natin, nararamdaman na natin ang pagbabago ng panahon, pagbagsak ng ulan, pagdaan ng bagyo eh kailangan nating matuto na mga panibagong teknolohiya at mga bagong pamamaraan upang tayo naman ay hindi pagkatapos dumaan ang bagyo ay wala nang maiiwan doon sa ating tanim, kaya po napakaimportante ang bagong teknolohiyang ito at napakasimple ng teknolohiyang ito madali nating i-expand," sabi ng Pangulo.
Kabilang na aniya rito ang seed production na makatutulong para mabawasan ang importasyon ng Pilipinas at makapipili pa aniya ng variety ng tanim na angkop sa bansa.
"Nagkaroon kami ng meeting last week at pinag-usapan namin ay seedling production dahil kulang tayo ng seedling production nag-i-import pa tayo, sa pamamagitan ng bagong teknolohiya ay makikita po natin ang seedling production makakabawas sa importation at makakapili tayo anong variety ng tanim ang pinaka bagay dito sa Pilipinas kaya napaka-importante ang innovation. Ito ang mga bagong pamamaraan para sa bagong klima na ating hinaharap," ayon sa Pangulo.
Sabi ni Marcos, ang siyam na green houses, seedling nursery at post-harvest facility na narito na sa Lucban ay makatutulong para mapaigting ang potensyal ng 2,000 magsasaka, technicians, kanilang pamilya at komunidad.
Dahil aniya sa mga training mula sa Korea at pagsasalin ng proyekto sa mga magsasaka, hindi na ang pribadong mga korporasyon ang kikita, kundi ang mga magsasaka at ating mga kababayan.
Para makasabay sa hamon ng kalikasan
Ayon naman kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ang mga teknolohiya kabilang na ang protective cultivation at green house farming ay makapagdudulot ng year-round o season-specific crop production para matiyak ang food security sa kabila ng environmental uncertainties, o mga bagay na walang katiyakan sa kalikasan.
"With the support of KOPIA, this advance farming practices were introduced to farmers in Lucban, Quezon allowing them to experience and adapt protective cultivation first hand, this initiative marks a significant step forward for our vision of modernizing philippine agriculture," ayon sa kalihim.
Sabi naman ni Lucban Mayor Agustin Villaverde, makasaysayan ang pagpunta ng Pangulo sa kanilang lugar at ang paglilipat sa kanila ng pilot project para sa protective cultivating at post-harvest management ng mga gulay.
"Naging mapalad po ang ating magsasaka na magkaroon ng dagdag na kaalaman at teknolokiya para mapataas ang ani at masiguro ang mas mataas na kita," ayon kay Villaverde.
Para naman kay Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-Hwa, malaki ang maitutulong ng green house farming technology lalo't madalas tamaan ng mga bagyo ang Pilipinas.
"As a country sitting in the eyes of storms, these green house farming technology is suitable, especially in dealing with typhoons and their unwanted consequences like storm surges and flooding," ayon sa ambassador.
PH-SoKor free trade deal
Samantala, niratipikahan na ng Korea ang free trade agreement (FTA) nito sa Pilipinas at Korea para sa pag-export ng gulay at prutas.
Nagpasalamat naman ang Pangulo sa suporta ng National Assembly ng Korea at pagratipika nito sa free trade agreement kasama ang Pilipinas para makapasok ang mga produkto ng bansa sa Korean market, kabilang na ang mga pinya't saging.
"We are also thankful to the Republic of Korea for the overwhelming support of your National Assembly for the ratification of our FTA which came much earlier than we had expected, ang FTA po ang tinatawag na free trade agreement sa gitna ng Korea po at tsaka ng Pilipinas nang sa ganu'n ay tayo nabubuksan ang kanilang mga merkado para sa atin, makapasok ang ating mga produkto sa kanila na hindi nilalagyan ng malaking taripa… Very soon, this free trade agreement will enter into force, this will allow Philippine, hindi lamang ng gulay kundi tropical fruit bananas, pineapple, lahat ito ay magkakaroon na, they will have access to the Korean Market," ayon sa Pangulo.
Sabi naman ni Lee, handa na ang parehong bansa na ipatupad ang kasunduan at umaasa raw siya na maipapatupad na ito bago matapos ang taon.
"Once implemented, the FTA is poised to deliver immediate benefits particularly to the agricultural sector with tropical fruits standing to gain the most. now both sides are ready to bring the agreement into force and I do hope we can do so before the end of the year," sabi ng ambassador.
Pinabibilis na rin aniya ng Korea ang pagbibigay ng bigas sa pamamagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Plus 3 emergency rice reserve.
Nasa 2,000 metric tons na aniya ang nakatakdang ibaba sa bansa sa Biyernes, Nobyembre 29, at ang natitira pa aniya ay posibleng dumating sa Pilipinas sa unang bahagi ng 2025.
"Korea as been working hard to accelerate provision of 4,000 (metric tons) rice through the ASEAn plus 3 emergency rice reserve. As we speak, 2,000 metric tons are scheduled for disembarkation today. the remainder will ship from Korea in December possibly arriving in the Philippines by early January." — VDV, GMA Integrated News