Pumanaw sa edad na 94 ang kauna-unahang babaeng Muslim na nahalal na senador sa Pilipinas na si Santanina Tilla Rasul.

Ayon sa tagapagsalita ng Senado na si Arnel Jose Bañas, pumanaw si Rasul nitong Huwebes, November 28.

"It is with profound sorrow that we announce the passing of former Senator Santanina Tillah Rasul, a trailblazer, legislator, educator, and beloved mother and grandmother, on November 28, 2024," saad ni Bañas sa pahayag.

Nagsilbi si Rasul bilang senador mula 1987 hanggang 1992, at 1992 hanggang 1995, batay sa Senate website.

Sa kaniyang termino bilang senador, walong batas ang iniakda ni Rasul bilang chairperson ng Committee on Civil Service and Government Recognition, at Committee on Women and Family Relations.

Kabilang sa mga batas na kaniyang isinulong ay ang Republic Act 6850, na nagkakaloob ng civil service eligibility sa mga government employee na nagtrabaho sa isang career civil service position sa loob ng pitong taon; R.A. 6949 na nagdeklara sa March 8 bilang National Women’s Day; R.A. 7192, na bumuwag sa gender discrimination, at nagbukas ng pagkakataon sa mga babae na makapasok sa Philippine Military Academy, at paglalaan ng pondo sa mga kababaihan sa mga government agencies; at R.A. 7168 na nag-angat sa Philippine Normal College bilang Philippine Normal University.

"Her life was a testament to her tireless dedication to public service, and her commitment to the empowerment of women and marginalized communities, particularly Filipino Muslims," ayon sa pahayag ng Senado.

Ikinalungkot din ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang pagpanaw ni Rasul na naging inspirasyon umano sa marami.

"Si Sen. Rasul ay naging isang tapat na lingkod-bayan. Isinulong niya ang mga batas na nagtaguyod sa karapatan ng mga Muslim at mga kababaihan na nagbigay-daan sa kanilang mas aktibong partisipasyon sa iba’t ibang larangan," pahayag ng kongresista.

"Ang kaniyang mga kontribusyon sa larangan ng edukasyon, karapatan ng kababaihan at kapayapaan ay nagsilbing inspirasyon sa marami, kasama na ang representasyong ito," dagdag niya.

"Lubos kaming nagpapasalamat sa kanyang paglilingkod at mga naiambag sa ating bansa. Ang kanyang legacy ay mananatiling buhay sa puso ng bawat Pilipino. Nakikiramay kami sa kanyang mga kaanak at kaibigan sa kanyang pagpanaw," patuloy ng Muslim na kongresista.

Isinilang si Rasul sa Siasi, Sulu, at naging public school teacher mula 1952 hanggang 1957, bago siya nagtrabaho sa gobyerno.

Naging technical assistant to the Office of the President of the Philippines sa Malacañang si Rasul mula 1963 hanggang 1964. Nahalal na public servant sa Sulu, at naging commissioner bilang kinatawan ng mga Muslim at iba pang ethnic minorities mula 1978 hanggang 1987, at naging miyembro rin ng Board at the Ministry of Education, Culture and Sports noong 1986.

Naitalaga rin si Rasul na honorary ambassador ng UNESCO sa International Literacy noong 1990.

Naging kabiyak sa buhay ni Rasul ang namayapa na ring si Ambassador Abraham Rasul Sr., at mayroon silang anim na anak.— FRJ, GMA Integrated News