Nawasak ang harapang bahagi ng isang SUV matapos araruhin ang ilang barrier, sumampa sa center island, at nagliyab sa southbound lane ng Guadalupe Bridge sa Makati pasado alas kwatro ng madaling araw.

Nasa maayos namang kalagayan ang 41-anyos na lalaking driver.

Kwento niya, pauwi na raw siya galing trabaho.

May sinusundan siyang kotse nang bigla siya mapakabig pa-kanan at hindi na napansin ang mga barrier.

Nabangga ang isang concrete barrier at isang plastic barrier na pumailalim sa SUV.

Nagliyab pa ang ilalim na bahagi ng sasakyan.

May tumulong na motorista at taga-barangay para apulahin ang apoy.

Dumating din ang mga bumbero mula sa BFP-Makati.

Umabot ng isang oras bago nahatak ang naaksidenteng sasakyan.

Nagdulot ang insidente ng mabigat na traffic sa southbound lane ng EDSA. — BAP, GMA Integrated News