Sinabi ni Vice President Sara Duterte na naawa siya sa kaniyang mga tauhan na nadadamay umano sa ginagawang panggigipit sa kaniya. Payo naman ni Speaker Martin Romualdez, dapat na dumalo ang bise presidente sa imbestigasyon ng ginagawa ng mga kongresista tungkol sa paggamit niya ng confidential funds.
“Naaawa ako dahil, as I said, politiko ako at iyang mga politiko sisirain talaga nila ang iyong pangalan because there’s a race. Para makalamang sila sa kalaban, sisirain talaga nila ang kanilang kakompitensiya sa politika,” saad ni Duterte sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes.
Nitong Miyerkoles, na-cite in contempt sa pagdinig ng House of Representatives Committee on Good Government and Public Accountability at idinetine ang chief of staff ng Office of the Vice President (OVP) na si Zuleika Lopez, dahil sa “undue interference” sa ginagawang imbestigasyon ng komite.
Kaugnay ito sa pagpapadala umano ng OVP ng sulat sa Commission on Audit para sabihan na huwag sumagot sa mga subpoena ng komite tungkol sa imbestigasyon sa paggamit ng confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) na dati ring pinamunuan ni Duterte.
Sa pagdalo sa pagdinig ng komite, itinanggi ni Lopez, at maging ng iba pang opisyal ng OVP na wala silang alam sa ginawang paggamit sa kontrobersiyal na confidential funds.
Sa ambush interview kay Romualdez sa Albay nang mamahagi ng tulong ang gobyerno sa mga sinalanta ng mga bagyo, sinabi ng lider ng Kamara na si Duterte ang dapat humarap sa pagdinig para siya mismo ang magpaliwanag kung paano ginamit ang daang milyong pisong pondo.
“Dapat lang siyang sumipot at mag-oath, mag-salita at mag-eksplika dahil lahat ng mga opisyales niya… siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh. Kaya dapat siya ang magpaliwanag,” ani Romualdez.
“Huwag na niyang ibigay sa mga official niya sa OVP at sa DepEd. Siya na lang magsalita,” giit ng Speaker.
Ilang beses nang inimbitahan si Duterte na dumalo sa imbestigasyon sa Kamara pero tumatanggi ang bise presidente at nagpapadala lang ng sulat para magpaliwanag.
Nauna nang sinabi ni Duterte na may pulitika sa likod ng ginagawang imbestigasyon sa kaniya ng mga kongresista. -- FRJ, GMA Integrated News