Arestado sa Navotas City ang isang lalaking suspek sa pananaksak at pagpatay sa nakaaway umano sa isang inuman mahigit dalawang dekada na ang nakaraan.
Sa bisa ng arrest warrant para sa kasong murder, inaresto ng pulisya sa Barangay NBBS Kaunlaran ang suspek na isang 51-anyos na tricycle driver, ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Lunes.
Nagtago raw ng dalawang dekada ang suspek sa krimen na nangyari noong 2001 pa, ayon sa pulisya.
Ayon kay Navotas Police Station Duty Officer Police Captain Gregorio Cueto, ang biktima ay isang tinuturing na siga sa kanilang lugar. Tinatakot daw nito ang mga tao sa paligid.
Nagkaroon ng okasyon daw kung saan walong beses nasaksak hanggang mapatay ang biktima.
Malamang daw na napuno ang mga tao sa ginagawa ng biktima kaya nangyari ang insidente, ayon kay Cueto.
Kasabwat umano ng akusado ang kanyang tatlong kaanak.
Ayon sa akusadong inaresto, wala siyang kinalaman sa krimen.
Sa kulungan na nagkita ang suspek at ang kanyang bayaw na isa umano sa mga kasabwat. Noong Oktubre inaresto ang bayaw na ito.
Ang isa pang akusado ay patay na.
Tinutugis naman ng mga pulis ang isa pang akusado. —KG, GMA Integrated News