Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong kautusan na nagpapataw ng malaking multa sa mga nagbenta at nakabili ng segunda-manong sasakyan na hindi ini-report ang bentahan at hindi inilipat sa bagong may-ari ang rehistro ng sasakyan.
Sa pahayag na naka-post sa Facebook page ng LTO, pirmado ni LTO Chief at Assistant Secretaty Atty. Vigor Mendoza II, ang naturang memorandum na may petsang Oktubre 23, 2024, nagsususpinde sa implementasyon ng Administrative Order No. VDM-2024-046, na inilabas noong Agosto.
"Para sa mas mahusay na pagpapatupad at upang bigyan ng mas maraming panahon ang mga stakeholders na magbigay ng kanilang opinyon, pansamantalang sinuspinde ang pagpapatupad ng Administrative Order No. VDM-2024-046 'Guidelines in the immediate transfer of ownership of motor vehicles with existing registration,'" ayon sa post.
Epektibo ang memorandum sa petsa na nakasaad na October 23.
Iniutos din ni Mendoza ang kinauukulan opisyal na maglabas ng panibagong AO na makakasama na ang mga mungkahi ng iba't-ibang stakeholders.
Una rito, nakasaad sa AO No. VDM-2024-046 na papatawan ng hanggang P40,000 ang bibili at magbebenta ng segunda-manong sasakyan na hindi magre-report ng bentahan at paglilipat ng rehistro sa bagong may-ari ng sasakyan.
Nakasaad din ang mga rekisito na kailangan para sa paglilipat ng rehistro. Kabilang dito ang notarized deed of conveyance, original na OR/CR na mula sa LTO, motor vehicle clearance certificate ng sasakyan mula sa Philippine National Police-Highway Patrol group (PNP-HPG), 2 valid government-issued IDs ng buyer at seller, at iba pa.-- FRJ, GMA Integrated News