Isang senior citizen sa Las Piñas City ang ninakawan ng wallet sa loob ng isang grocery store, ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Bagama't naibalik ang wallet sa 63-anyos na babaeng biktima, nalimas naman ang halos P50,000 na laman ng kaniyang ATM card na karamihan ay mula sa kaniyang pension.
Ayos sa pulisya, isa sa mga suspek ang bumangga sa biktima sa loob ng grocery store upang kunin ang kaniyang atensiyon. Habang abala ay isang suspek naman ang dumukot sa kaniyang wallet.
"Nadi-distract na po iyong biktima. Another suspek na nasa likod ay dinudukot na niya yung wallet ng biktima," ayon kay Police Major Knowme Sia ng Las Piñas Police.
Wala pang isang oras matapos madukot ang wallet ay napag-alamang may nag-withdraw na sa bank account ng biktima.
"Siguro nahulaan nila 'yung PIN number ko," anang biktima.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad galing bangko ang dalawang suspek. Nakita rin silang namili sa isang kalapit na grocery store.
Pinilit daw harangin ng biktima ang transaksiyon matapos siyang makatanggap ng text tungkol dito pero nabigo siya. Hinihingi raw kasi ng bangko ang ID niya na nagkataong kasama sa nanakaw na wallet.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. —KBK, GMA Integrated News