Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng Pilipinas si Mylah Roque, asawa ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Inihayag ito ni BI spokesperson Dana Sandoval, kasunod ng ipinalabas na arrest order mula sa House Quad Committee laban kay Mylah dahil sa ilang ulit na kabiguang dumalo sa pagdinig tungkol sa mga krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kinumpirma ni Sandoval na September 3 pa nakalabas ng bansa si Mylah.
Ayon kay Sandoval, Setyembre 16 nang magpalabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay Mylah.
Ang ILBO ay abiso sa mga immigration officer na ialerto ang mga awtoridad kapag lumabas ng bansa ang isang tao na saklaw ng naturang kautusan.
"And [ang] alam namin, wala na siya sa bansa. And this action taken by her is an action of evading our invitation,” sabi ni House public order and safety chairperson at Laguna Representative Dan Fernandez.
“There was a report coming from the Immigration [bureau] that I think, September 5 pa ata umalis na siya. First week ata ng September, nakaalis na siya prior to the discussion about the requirements [tungkol sa mga hinihinging dokumento]. I believe that prior to that, nakaalis na po si Mylah Roque,” dagdag pa ni Fernandez.
Nauna nang sinabi ng BI na wala naman silang impormasyon kung nakalabas na rin ng bansa ang mister ni Mylah na si Harry.
Sa kabila nito, sinabi ni Fernandez na hindi makakatakas ang mag-asawang Roque sa kanilang pananagutan sa batas.
“They might feel na lilipas din itong hearing, but hindi po ganoon na sitwasyon rito. We will try to push, pursue the invitation, because her testimony is very crucial given the amount of money that entered the account of Secretary Harry Roque and and being the wife, nakapirma siya sa SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth),” ani Fernandez.
“We wanted to find out kung ‘yung amount na ‘yun...saan talaga ang galing; yung pera. Kasi if you will be trying to dig deeper on the property that was sold by the couple, ay hindi talagang natutugma ‘yung amount na ‘yon,” dagdag ng kongresista.
Iniimbestigahan ng QuadComm ang pagtaas ng ari-arian ng korporasyon ng pamilya ni Roque na mula sa P125,000 bago ang 2016 ay lumago sa P125 million noong 2018.
Nauna nang itinanggi ni Roque na may kinalaman siya sa operasyon ng ilegal na POGO sa bansa.—mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News