Ipinapaaresto na rin ng House Quad Committee (QuadComm) ang misis ni Atty. Harry Roque, na si Mylah Roque, makaraang siyang i-cite in contempt ng mga kongresista dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig nitong Biyernes sa ikatlong pagkakataon.
Nauna nang ipinatawag ng komite si Mylah para tanungin tungkol sa kompanya nila ng kaniyang asawa na si Harry, kaugnay naman sa imbestigasyon ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
May arrest warrant din ang komite laban kay Roque dahil sa hindi rin pagsipot sa pagdinig at hindi pagsusumite ng mga kaukulang dokumento tungkol sa paglago ng kanilang yaman.
“May I respectfully move that because Madam Mylah Roque has been cited in contempt by this committee, may I move that we also move to issue an arrest order,” hirit ni Antipolo Representative Romeo Acop sa ginanap na pagdinig.
Si Abang Lingkod party-list Representative Joseph Stephen Paduano, ang naunang humiling sa komite na i-contempt si Mylah.
“Since we have given Ms. Roque the due process with regards to this, supposedly her presence, in the hearing, I move to cite in contempt Ms. Roque,” saad ng mambabatas.
Sinabi ni QuadComm over-all chairperson at Surigao del Norte Representative Ace Barbers, na tatlong pagdinig na ng komite ang hindi dinaluhan ni Mylah.
Sa naunang subpoena na inilabas ng komite laban kay Mylah, sinabi ng committee secretary na wala silang tugon na nakuha mula sa ginang.
Naglabas din ng show cause order ang komite laban sa asawa ni Roque.
Sa Facebook post noong huling bahagi ng Setyembre, sinabi ni Mylah na nagpunta siya sa Singapore para magpagamot pero tinanggihan umano ng QuadComm ang kaniyang medical certificates.
Tinawag din niyang “an abusive individual” si Barbers dahil sa iniuugnay siya sa ilegal na POGO operation.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag ang mag-asawa tungkol sa arrest warrant laban kay Mylah.—mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News