Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa Novaliches, Quezon City. Ang dalawa niyang kakuwentuhan, inaresto dahil sa hinalang kasabwat sila ng gunman.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala sa likod at ulo ang 28-anyos na biktima, na residente ng Barangay Gulod.
Ayon sa pulisya, lumabas ng bahay ang biktima at inaya ng dalawang naarestong suspek.
Batay sa kuwento ng saksi, sumenyas umano ang isa sa mga suspek sa gunman, at doon na nangyari ang pamamaril sa biktima, na dead on arrival sa ospital.
Nang iproseso ng awtoridad ang bangkay ng biktima, may nakita sa kaniya na anim na sachet na hinihinalang shabu ang laman.
Nakuhanan naman sa CCTV camera ang isa sa mga suspek na tumatakbo palayo sa krimen.
Isa sa mga tinitingnan motibo ng pulisya sa krimen ang ilegal na droga. Ayon umano sa saksi, kilala ang biktima at ang dalawang naarestong suspek na nagbebenta ng ilegal na droga.
Dati nang nakulong sa kasong pagpatay ang isa sa mga suspek, habang ang isa naman ay dati nang nahuli sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa piitan, itinanggi ng dalawa na may kinalaman sila sa pagpatay sa biktima.
Kuwento ng isang suspek, kasama nila ang biktima na nagkukuwentuhan nang dumating ang gunman at binaril ang biktima.
Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang gunman.-- FRJ, GMA Integrated News