Isang 36-anyos na lalaki ang arestado sa Quezon City dahil umano sa pagnanakaw ng motorsiklo.
Sa ikinasang operasyon ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD), natunton ang motorsiklong ninakaw sa isang subdivision sa Brgy. San Agustin.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang suspek na tinatangay ang motorsiklo.
Hinuli rin ang kasabwat umano niyang 30-anyos na lalaki na pinagdalhan ng motorsiklo.
“Yung biktima po ay pinarada po niya sa basketball court at pagbalik niya wala na yung motorsiklo so pagkatapos noon nag-report na agad yung biktima natin sa barangay ganon din sa police station,” ani Police Executive Master Sergeant Dennis Telen, chief investigator ng QCPD-DACU.
Nabawi ang ilang parte ng motorsiklo na chop-chop na maliban sa chassis nito.
Natukoy lang na pagmamay-ari ito ng biktima dahil tumutugma ang engine number.
“Yung motorsiklo na ninakaw ay tinawag po natin cannibalized na, chinop chop na po yung mga piyesa. Nakilala ng ating biktima ang motorsiklo na kanyang nawawala sa pamamagitan ng engine number,” ani Telen.
Nasampahan ng reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act ang dalawang naaresto.
Kahapon, pansamantalang nakalaya ang nagnakaw ng motorsiklo matapos magpiyansa. Nananatili namang nakakulong ang kanya umanong kasabwat.
Walang pahayag ang suspek. —KBK, GMA Integrated News