Tatangkain ni Isko Moreno na mabawi mula kay incumbent mayor Honey Lacuna ang kaniyang dating posisyon bilang alkalde ng Maynila sa Eleksyon 2025. Pero may iba pa silang karibal sa posisyon gaya ng partylist congressman na si Sam Verzosa.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Martes, humabol sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) si Moreno para tumakbo muling alkalde ng Maynila.
Hawak niya ang naturang posisyon bago siya tumakbong presidente noong 2022 elections pero hindi siya pinalad na manalo.
Ang dati niyang vice mayor na si Lacuna ang nagmana ng iniwan niyang puwesto bilang alkalde ng Maynila.
Ayon kay Moreno, kinausap niya si Lacuna, na itinuturing niyang ate, noong Hulyo para sa hangarin niyang tumakbong alkalde sa Eleksyon 2025 dahil umano sa mga panawagan ng mga tao na bumalik siya.
"I respectfully asked Ate Honey, 'Ate, puwede ako bumalik sa pagka-Mayor? And swiftly, she answered no, I'm running for re-election'," sabi ni Moreno.
“Karapatan naman niya iyon so what I did is kiss her and said goodbye and hug. Si Doc Pox [mister ni Lacuna] kasi mahal mahal na ko ang mga 'yan, dahil kay Danny Lacuña [ama ng alkalde], bilang pagtanaw ng utang na loob,” dagdag niya.
Kinumpirma naman ni Lacuna ang pag-uusap nila ni Moreno tungkol sa plano nitong pagtakbo.
“The last time we spoke to each other was I think, July 12, Sabi ho niya tatakbo po siya. Wala po akong sinabi, pinakinggan ko lang siya. That’s face to face,” paliwanag ni Lacuna.
Bukod kina Lacuna at Moreno, naghain din ng COC para tumakbong alkalde ng Maynila si Tutok To Win Party-list Representative Sam Verzosa, na nobyo ng aktres na si Rhian Ramos.
“‘Yung mga taga-Maynila naman may karapatang pumili ng gusto nila. Kasi nakakalungkot na puro away na po eh,” ani Verzosa.
Kasama rin sa mga aspirante bilang alkalde ng Maynila sina Alvin Avecilla Karingal, Michael Go Say, at Jerry Sindo Garcia. —FRJ, GMA Integrated News