Nasawi ang isang babaeng streetsweeper matapos saksakin sa Barangay Batasan Hills Quezon City.

Kinilala ang 43-anyos na biktima na si Catherine Madrid.

Naisugod pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Nakuhanan sa CCTV footage ang mismong pananaksak.

Kita na abalang nagwawalis ang biktima nang lapitan ng isang lalaki.

Nag-usap saglit ang dalawa hanggang sa undayan ng saksak ng lalaki ang biktima.

Tumulong ang dalawang concerned citizen para hindi makatakas ang salarin. 

Itinurn-over ang 76-anyos na suspek sa pulisya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na simple lang ang pinag-ugatan ng hindi pagkakaintindihan ng dalawa. 

“Lumalabas na itong biktima ay mayroong pagkakautang dito sa suspek na dating nangungupahan sa kanyang bahay. Kasalukuyan mayroon siyang dinidinig na kaso dito sa Barangay Batasan,” ani Police Captain Ronnie Ereño, ang hepe ng Station Investigation and Detective Management Unit (SIDMU). 

Hindi lubos akalain ng kinakasama ng biktima na sa maliit na halaga ay magtatapos ang buhay ni Catherine.

“Yung pinagtalunan po talaga ng asawa ko P400 lang po yon sa tubig po 'yon,” ani Jonathan Cajuto, ang kinakasama ng biktima. 

Nakakulong sa tanggapan ng CIDU ng QCPD sa Camp Karingal ang suspek na aminado sa nagawang krimen.

“Nanaksak ako kasi may utang sa akin. Utang sa bahay hindi nagbayad sa kwan sa ilaw sa Meralco hindi siya nagbayad. Siningil ko nagalit pa,” sabi ng suspek.

Nasampahan na ang suspek ng reklamong murder. — BAP, GMA Integrated News