Pasok ang 10 pambato ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa top 12 ng pinakabagong Social Weather Stations senatorial preference survey na kinomisyon ng Stratbase Group. Ang aspirante na may pinakamalaking pagtaas na nasa pang-walong puwesto mula dating pang-24, alamin.
Sa survey na ginawa mula September 14 hanggang 23, pinapili ang 1,500 adult respondents sa buong bansa ng 12 pangalan na iboboto nilang senador kung ngayon gagawin ang eleksyon mula sa ipinakitang listahan na mayroon 40 pangalan.
“Narito po ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato para sa mga SENADOR NG PILIPINAS. Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang mga SENADOR NG PILIPINAS? Maaari po kayong pumili ng hanggang 12 pangalan," nakasaad sa survey.
Nanguna sa listahan na pinili ng mga respondents si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo [54%]. Sumunod sa kaniya sina dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III [34%], at re-electionist Sen. Pia Cayetano [31%].
Kapuwa may 25% naman sina dating pangulong Rodrigo Duterte at re-electionist Senator Imee Marcos. Pasok din sina dating Senador Panfilo "Ping" Lacson at re-electionist Senator Bong Revilla Jr na may tig-24%.
Si House Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar naman ang "bigger gainer" sa survey na pang-walo sa puwesto na may 21%. Sa survey noong Marso, nasa 20th hanggang 24th na puwesto siya.
Sumunod naman sa kaniya sina Makati Mayor Abigail Binay at re-electionist Senator Lito Lapid na may tig-20%, dating senador Manny Pacquiao, re-electionist Senators Bong Go at Ronald "Bato" dela Rosa, na may tig-18%
Nasa pang-14 na puwesto naman si re-electionist Senator Francis Tolentino [17%] at pang-15 si dating Sen. Francis Pangilinan [15%].
Sina Tolentino at outgoing Interior Local Government Secretary Benhur Abalos [16-17th] ang tanging mga pambato ni Marcos sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas, na hindi nakapasok sa itinuturing "magic 12," sa naturang survey.
Sa inilabas na pahayag ng SWS, kinumpirma nito ang survey na kinomisyon ng Stratbase consultancy, na may sampling error margins ng ±2.5% para sa national percentages, ±4.0% para sa Balance Luzon, at ±5.7% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.— FRJ, GMA Integrated News