Ibinasura ng Korte Suprema ang inihaing writ of amparo ni dating presidential spokesperson Harry Roque para pigilin ang pagdetine sa kaniya matapos i-contempt ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Ang arrest warrant laban kay Roque ay kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng QuadComm tungkol sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“The court denied Roque’s prayer for a writ of amparo. It held that amparo is not the proper remedy against congressional contempt and detention orders,” ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting sa press conference nitong Martes.
“The scope of amparo is limited to extrajudicial hearings and enforced disappearances, or threats thereof, which are not present in this case,” dagdag pa niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang komento ni Roque kaugnay sa naging desisyon ng SC.
Hinahanap ng mga awtoridad si Roque para maisilbi ang arrest warrant ng Kamara laban sa kaniya matapos siyang i-contempt ng komite dahil sa hindi pagsipot sa mga pagdinig at hindi pagsusumite ng mga dokumento na magpapaliwanag sa paglago ng kaniyang yaman.
Kasama sa petisyon ni Roque sa SC na pigilin ang QuadComm na obligahin siya na isumite ang mga dokumento na hinahanap ng komite, at ipatupad ang arrest warrant.
Sa naturang usapin, inatasan ng SC ang QuadComm na magkomento tungkol dito.
Hinihintay pa ng GNO ang pahayag ni Surigao del Norte 2nd District Representative Ace Barbers, over-all chairman ng QuadComm tungkol sa naturang usapin.
Pero dati nang sinabi ni Barbers na nais ng komite na patunayan ni Roque na hindi mula sa mga ilegal na POGO operation nanggaling ang biglang paglago ng yaman ng dating opisyal. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News