Sampung miyembro ng Aegis Juris fraternity ang hinatulang guilty ng korte kaugnay sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III dahil sa hazing noong 2017. Ang biktima, freshman law student ng University of Santo Tomas (UST).
Napatunayan ng Manila Regional Trial Court Branch 11 na "guilty beyond reasonable doubt" sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995, sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, at Marcelino Bagtang Jr.
Pinatawan sila ng parusang reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.
Basahin: Suspek sa pagkamatay ni Atio Castillo, sumuko; nag-sorry sa pamilya ng biktima
Inatasan din ng korte ang mga akusado na bayaran ang mga naulila ni Castillo ng P461,800 para sa actual expenses, P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages, at P75,000 bilang exemplary damages.
“All the amounts shall earn interest at the rate of 6% per annum upon finality of the decision until fully paid,” ayon sa korte.
Nakadetine ang 10 akusado sa Manila City Jail mula pa noong May 2018.
September 2017 nang dalhin sa Chinese General Hospital at ideklarang dead on arrival si Castillo, 22-anyos, matapos na sumalang sa initiation rites ng Aegis Juris fraternity.
Si Solano ang nagdala kay Castillo sa naturang ospital.
Sinabi niya sa mga pulis na nakita niya si Castillo na nasa gilid ng daan at nababalutan ng kumot.
Taong 2019 nang hatulan si Solano ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 na guilty sa obstruction at hinatulang makulong ng dalawa hanggang apat na taon. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News