Patay ang isang motorcyle rider matapos magulungan ng isang 10-wheeler truck sa Maynila nitong Sabado ng gabi.

Umiwas daw ang rider sa isang tricycle na nag-counterflow.

Nangyari ang insidente sa Mel Lopez Boulevard sa Tondo bago mag-9:30 kagabi.

Sa kuha ng CCTV, nakita ang biglang pagsemplang ng motorcycle rider at ang paggulong ng truck.

Sa isa pang kuha ng CCTV, nakitang isang tricycle na nag-counterflow ang tinamaan ng big bike ng biktima.

Ayon sa barangay, ito ang posibleng dahilan kaya biglang napapreno ang rider.

Madulas din daw ang kalsada dahil sa mga buhangin na nalalaglag mula sa mga truck na dumadaan sa lugar.

Nabalian daw ng paa ang biktima. Wasak rin ang helmet sa pagkabagsak.

Agad dumating ang ilang rescue team na sinubukang i-cardiopulmonary resuscitation (CPR) ang biktima bago dinala sa ospital.

Gayunpaman, namatay din kalaunan ang biktima.

Dinala naman sa barangay ang driver ng truck na nabigla raw sa nangyari.

Sa kuwento niya, galing sila ng pier at papunta na sana sa Valenzuela para ibaba ang mga karga nilang kahoy.

"Naka-u-turn na kami. Noong malapit na doon sa ano, may maingay. Lakas ng takbo niya motor. Akala ko ano lang 'yun. Tapos may biglang tumunog. Sabi nila nag-alangan daw 'yung ano, nadulas daw 'yung motor," ani rider.

"Sana po eh hindi man ako madamay sa ano kasi di ko naman talaga akalain na makakadisgrasya ng gano'n, boss, eh. 'Di ko alam. Nasa diretso po ako eh," dagdag niya.

Patuloy naman na hinahanap ng mga awtoridad ang tricycle driver na nag-counterflow sa lugar. —Jhomer Apresto/KG, GMA Integrated News