Naging maaksyon ang pagtugis ng pulisya sa isang motorcycle rider na sa halip magpatulong matapos maaksidente sa Maynila ay biglang humarurot.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang habulan sa Padre Faura Street malapit sa Roxas Boulevard Service Road.
Hindi na nakunan sa CCTV pero nakabangga ng isa pang motorcycle rider ang suspek.
Matapos nito, iniwan ng suspek ang kaniyang motorsiklo at tumakbo pabalik.
Ngunit ilang guwardiya ang tumulong at nakorner ang suspek na tinangka pang bumunot ng baril pero agad naalerto ang mga awtoridad.
Nakuhanan ang suspek ng 9 mm na pistol na walang dokumento.
Sinabi ng pulisya na bago ang habulan, una nang nakita ang lalaki sa Taft Avenue.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District, nagpapatrolya ang mobile ng Bocobo Police Community Precinct nang may sinita silang isang indibiduwal na naaksidente umano. Nang lapitan na nila ito upang tulungan, agad itong sumakay sa motor at humarurot kaya nagkaroon ng habulan.
Nakikipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office para malaman kung nakaw ba ang motorsiklong gamit ng suspek dahil wala itong mga dokumento.
Sinabi ng pulisya na isasailalim din sa ballistic examination ang baril na narekober sa lalaki para malaman kung nagamit ito sa krimen.
Ayon kay Ines, nakakuha sila ng mga impormasyon na posibleng miyembro ng grupo ng mga motorcycle riding criminal ang suspek na nanghoholdap sa Maynila at mga karatig na siyudad sa Metro Manila. Lumilinya rin sila umano sa gun for hire.
Nakapanayam ng GMA Integrated News ang suspek na paiba-iba ang ibinigay na pahayag tungkol sa baril.
“‘Yung baril na ‘yun sir napulot ko lang ‘yun sir. Wala po talaga akong dalang baril, helmet lang,” sabi ng suspek na itinangging miyembro siya ng riding-in-tandem na dawit sa panghoholdap.
Ayon sa kaniya, sinubukan niyang tumakas dahil may banta umano sa kaniyang buhay dahil marami ang may gusto sa kaniyang nobya.
Hawak na ng Ermita Police Station ang suspek na nahaharap sa reklamong resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News