Isang 35-anyos na lalaki ang patay matapos pagbabarilin habang nakasakay sa motorsiklo sa Cainta, Rizal nitong Martes.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng biktima ang West Bank Road sa Barangay San Andres nang maganap ang pamamaril.
"Doon sa kalsada mismo, nung huminto siya sa isang lugar na parang meron siyang hinahintay na tao doon, so doon na rin siya binaril ng suspect dun sa pagkakahinto niya. And then yung pagkakasakay niya rin sa motor, doon rin siya nalaglag," ani Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay ng Cainta Municipal Police Station.
Ayon sa pulisya, tatlong tama ng bala ang tinamo ng biktima — isa sa dibdib at dalawa sa ulo — a naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
"May nagkuwentuhan mga riders. Ang sabi, may nabulagta daw doon," anang isang kaanak ng biktima.
"Umiyak ako, na-shock ako. Kung sino ang... bumaril kailangan makahanap ako ng justice," dagdag pa niya.
Nakasama pa raw ng biktima ang kaniyang kasintahan bago ang pamamaril pero bigla na lang daw niyang iniwan ang nobya bago siya bawian ng buhay, ayon sa kaniyang mga kaanak.
Sa follow-up operation ng Cainta Police, napag-alamang nakatanggap ng pagbabanta ang biktima ilang araw bago ang krimen. Dagdag pa ng mga pulis, nasa "circle of friends" lang ng biktima ang tinitignan nilang person of interest.
Dati na raw nakulong ang biktima at suspek dahil sa ilegal na droga at nakalaya lang matapos ang plea bargaining sa korte.
Ayon sa pulisya, walang CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Onsehan sa droga ang sinisilip na anggulo ng pulisya sa pamamaril.
Patuloy naman daw ang backtracking para matukoy ang pinanggalingan at pinuntahan ng gunman. Sa oras na madakip siya ng awtoridad, sasampahan siya ng kasong murder. —KBK, GMA Integrated News