Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki sa kamay kaniyang mga kaibigan sa Pasig. Matapos siyang pagtulungang patayin, mistulang inilibing ang kaniyang bangkay sa poso-negro na sinementuhan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing apat sa limang suspek sa pagpatay sa biktima ang nahuli na ng mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, pinagtulungan ng mga suspek na patayin ang biktima sa pamamagitan ng pagsakal at sinaksak pa ng screwdriver.
Nang mamatay na ang biktima, ibinalot nila ito sa kumot at inihulog sa poso-negro at kanilang sinementuhan.
Love triangle ang nakikita ng pulisya na motibo sa krimen.
“Ito pong sumakal, ito ang karelasyon ngayon ng ex-girlfriend [ng biktima]. Isa sa ano ngayon, jealous[y]… Nagseselos po siya kasi itong biktima, gustong makipag-balikan sa kaniyang kinakasama ngayon,” ayon kay Pasig Police chief Police Captain Jazon Lovendino.
“Binalot [ang biktima] sa kumot. After noon, doon sa may septic tank, hinukay nila. May butas, doon nila shinoot ang biktima, and then sinemento,” patuloy niya.
Sa tulong ng impormante, nalaman ang kinaroroonan ng katawan ng biktima.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na pinaghihinalaan ng mga suspek na nagsusuplong sa mga awtoridad ang biktima kaugnay sa ginagawa nilang ilegal na gawain.
“It was validated, they are involved in illegal drug pushing,” sabi ni Eastern Police District Director Police Brigadier General Wilson Asueta.
“We were able to file a case of murder. Two of them were arrested during the follow-up operation upon the discovery of the crime, then one was arrested in a separate operation… ’Yung isang suspek, nahuli sa Masbate,” ayon pa sa opisyal.--FRJ, GMA Integrated News