Nasawi ang isang lalaki matapos barilin sa Brgy. 176 D Bagong Silang, Caloocan. 

Tama ng bala ng baril sa ulo ang ikinasawi ng 31-anyos na biktimang si Ariel Gatil. 

Ayon sa purok leader, katatapos lang kumain at nakatambay ang biktima kasama ang tatlong kaibigan nang mangyari ang insidente. 

“Bigla raw may pumunta na nakamotor, dumaan, pagdaan daw bigla daw bumunot pinutukan siya tapos hindi siya tinamaan nadaplisan lang. Hinabol siya ngayon, paghabol doon sa kanto, naabutan siya. Doon siya binakbakan ng gunman,” ani purok leader Jay C De Lara.

Nakuhanan pa sa CCTV camera ang suspek na naglalakad matapos ang pamamaril. Sumulpot ang kanyang kasabwat na nakasakay sa motorsiklo.  Tumakas ang dalawa palusot sa Langit Road. 

Nakaburol na ang labi ng biktima malapit sa kanyang bahay. 

Ikinagulat daw ng mga kaanak ang pangyayari. Wala raw silang maisip na posibleng motibo sa krimen. 

“Talagang masasaktan ka, anak ko ‘yan. Tulad niyan, andyan siya, hindi ko matanggap pagtingin. Nahihirapan ako tumingin sa kaniya diyan,” ani Mila Cubitan, nanay ng biktima. 

Ikatlo sa pitong magkakapatid si Ariel na suma-sideline bilang construction worker.

“Palabiro… makulit man siya pero tatawanan ka niya kapag sinaway mo, tatawa nang tatawa kukulitan ka,” pagsasalarawan ni Mila sa anak.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng Caloocan Police kaugnay sa isinasagawa nilang imbestigasyon pero wala pa silang tugon.

Pinuntahan din ng news team ang Sub-Station 13 pero walang nagpaunlak ng panayam. —KBK, GMA Integrated News