Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na aalisin at papalitan na si Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco.
Sa ambush interview nitong Lunes, sinabi ni Remulla na pumayag na umano si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sa kaniyang naturang rekomendasyon.
"Yes, okay na 'yun. Nagkasundo na kami ng Pangulo," ani Remulla. "Papalitan siya, papalitan siya. If I were him, I'll just resign already. Mag-resign na lang siya.
Kinumpirma naman ito ni acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez.
Nang tanungin si Remulla kung bakit niya nais palitan sa puwesto si Tansingco, sinabi ng kalihim na hindi siya "satisfied" sa trabaho ng naturang opisyal.
Ayon kay Tansingco, nalaman na niya ang impormasyon sa social media pero hindi pa siya "opisyal" na sinasabihan.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Remulla na hindi na siya nakikipag-ugnayan kay Tansingco matapos na hindi ipaalam kaagad sa kaniya ng BI chief na nakaalis na pala ng bansa ang dating Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo.
Una rito, sinabi ni Tansingco na nalaman niya na nakasibat palabas ng bansa si Guo noong August 15 pero kailangan pa nila itong i-validate.
Agosto 20 na nang ipaalam niya kay Remulla at Office of the Executive Secretary ang insidente.
Nadakip si Guo sa Indonesia noon lang nakaraang linggo at kaagad din na pinabalik sa Pilipinas.
Sinabi ni Marcos na may mananagot sa pagkakapuslit ni Guo palabas ng bansa. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News