Nakatakda umanong magkaroon muli ng bagong pinuno sa ikalawang pagkakataon ang Presidential Communications Office (PCO), ayon sa source ng GMA Integrated News mula sa Palasyo.

Kinumpirma ng source na nakatakdang manumpa bilang bagong acting chief ng PCO si Cesar Chavez, na kasalukuyang Senior Undersecretary for Strategic Communications.

Papalitan ni Chavez si Atty. Cheloy Garafil, na lilipat umano sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan, na papalit naman kay Silvestre Bello III.

Enero 2023 nang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Garafil bilang pinuno ng PCO nang palitan niya sa puwesto si Trixie Cruz-Angeles.

Inaasahan na manunumpa sina Chavez at Garafil sa bago nilang mga puwesto ngayong hapon.--mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News