Sa pagkakaaresto sa Indonesia, kapansin-pansin na maigsi na ang buhok ng sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kumpara noong dumalo siya noon sa isang pagdinig ng Senado.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, nagpagupit si Guo para itago ang kaniyang identity sa mga awtoridad sa Indonesia.
“‘Yun nga para maitago ang kanyang identity. Meron nang lumabas, nakita na, ‘yung nai-share [ng] Indonesian police na talagang maikli na ang buhok niya. Nagpaputol ng buhok to conceal her identity,” sabi ni Santiago sa press briefing nitong Miyerkoles.
Nadakip ng mga pulis ng Indonesia si Guo sa isang hotel sa Tangerang City kaninang umaga.
Kung dati ay umaabot sa likod ang kaniyang buhok, makikita sa mga larawan na inilabas ng mga awtoridad sa Indonesia na hanggang balikat na lang ang haba nito.
Samantala, sinabi ni Santiago na ang pagkakadakip kay Guo ay patunay ng kasabihan na “long arm” ng batas.
“Talagang napapatunayan natin. At maganda ang coordination natin sa Interpol, sa Indonesian police, maganda ang coordination natin,” ayon sa opisyal.
Nauna nang nadakip sa Indonesia at kaagad na iniuwi sa Pilipinas ang sinasabing kapatid ni Guo na si Shiela Guo at ang kasama nilang si Cassandra Li Ong.
Sa isang pagdinig ng mga mambabatas noong nakaraang linggo, sinabi ni Shiela, na kasama niya ang mga kapatid na sina Alice at Wesley Guo, sa pamamagitan ng pagsakay ng mga barko.
May arrest warrant si Alice mula sa Kongreso para padaluhin sa pagdinig. Nahaharap din siya sa mga reklamong human trafficking kaugnay sa sinalakay na POGO hub, at money laundering.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na dapat magsilbing babala sa mga nais tumakas sa batas ang pagkakadakip kay Guo.
"Such is an exercise in futility," ani Marcos. "The arm of the law is long and it will reach you."
"I congratulate all law enforcement personnel who made this apprehension possible," dagdag pa niya. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News