Inaresto sa Indonesia ang sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Miyerkoles.

Ito ang kinumpirma ni PAOCC chief Gilbert Cruz, ayon sa post sa X ni Mariz Umali ng GMA Integrated News.

 

 

 

Ayon naman kay Senator Sherwin Gatchalian, nadakip si Guo sa Tangerang City Miyerkoles ng umaga.

"I was just informed by the NBI that Guo Hua Ping (also known as Alice Guo), was arrested in Tangerang City, Indonesia, at 01:30 on September 4, 2024," sabi ni Gatchalian sa mensahe sa mga reporter.

"She is currently in the custody of the Indonesian Police at Jatanras Mabes Polri," dagdag pa niya.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ipinaalam sa kanila ng kanilang Indonesian counterpart ang pag-aresto kay Guo bandang 1 a.m.

"Hawak na ng Indonesian police," saad ni Santiago.

Nang tanungin kung kasama ni Guo ang kaniyang kapatid na si Wesley Guo noong oras ng pagkakadakip nito, sinabi ng hepe ng NBI na ang impormasyon tungkol lamang sa sinibak na alkalde ang kanilang natanggap.

Sa hiwalay na panayam sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ni Santiago na wala pa silang detalye sa paraan ng pagkakaaresto kay Guo.

"Ang report na dumating sa amin, nahuli na raw ng Indonesian police kaninang madaling araw...Immediately nakikipag-coordinate na tayo para mai-turn over sa atin si Mayor Alice," sabi ni Santiago.

"Wala pang detalye kung paano siya nahuli. Basta ang report lang, nahuli siya ala-una ng madaling araw...Naka-detain nga po sa police ng Indonesia," pagpapatuloy niya.

"Wala pang information kay Wesley. Kay Alice pa lang po," sabi ni Santiago.

Dagdag pa niya, may mga operatiba rin ng NBI sa Indonesia na nagkumpirma ng pag-aresto.

"Meron po tayong tao (NBI). Yes, kinonfirm pati na ng Immigration ng Indonesia, kinonfirm na (ang pagkahuli)," ani Santiago.

Sa isa pang panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Santiago na nilalayon nila ang pagbabalik ni Guo sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

“The soonest po sir, the soonest. Kung ngayon o bukas pipilitin po natin. 'Yan po ang order sa atin ni DOJ [Department of Justice] Secretary Remulla,” sabi niya.

Ayon kay Santiago, maaaring sumailalim si Guo sa Immigration inquest pagdating sa bansa.

“'Yung usual po, ang nangyayari, sa BI [Bureau of Immigration] muna for Immigration process. I-inquest siya sa Immigration violation. And then sa amin po, ipro-process naman namin with respect to criminal liability."

“At saka lang po namin ite-turn over sa Senate (and then we will turn her over to the Senate),” dagdag ni Santiago.

Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval sa isang panayam sa Balitanghali na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad ng Indonesia tungkol sa pagpapabalik kay Guo sa Pilipinas.

“We are anticipating that we will be expecting this po siguro within the week,” sabi ni Sandoval.

Kinumpirma rin ng mga source ni Senator Risa Hontiveros sa Indonesia ang pag-aresto kay Guo.

"Kumpirmado — arestado na si Alice Guo. I have independently confirmed this with my Indonesian sources as well. Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng gumawa ng paraan para siya maaresto. Terima Kasih to our friends in Indonesia," saad niya sa isang hiwalay na pahayag.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na ang pag-aresto kay Guo ay nagsisilbing babala sa mga nagtatangkang iwasan ang hustisya sa bansa.

"Such is an exercise in futility," saad ni Marcos sa kaniyang mensahe sa isang video. "The arm of the law is long and it will reach you."

Tiniyak naman ni Marcos na bibigyang karapatan si Guo sa lahat ng mga legal na proteksiyon sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas at alinsunod na rin sa pangako ng gobyerno sa panuntunan ng batas.

"But we will not allow this to prolong the resolution of the case, whose outcome will be a victory for the Filipino people," sabi niya.

Pinasalamatan din ni Marcos ang mga awtoridad sa Indonesia sa ginampanan nilang papel para madakip si Guo.

"I congratulate all law enforcement personnel who made this apprehension possible" sabi ni Marcos. "The public may not know the intricate details of this mission that you have successfully accomplished, but on their behalf, accept my thanks."

Si Guo, na Guo Hua Ping ang tunay na pangalan ayon sa mga awtoridad, ay nahaharap sa ilang mga legal kaso, gaya ng pagkakasangkot diumano sa mga operasyon ng isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban.

Ang 33-anyos na sinibak na alkalde ay inutusang arestuhin ng Senado noong Hulyo nang paulit-ulit na hindi dumalo sa imbestigasyon nito tungkol sa ni-raid na POGO hub sa kaniyang bayan. Itinanggi niya ang mga akusasyon laban sa kaniya, kabilang ang pagiging isang Chinese citizen.

May mga reklamo rin sa kanya para sa umano'y human trafficking, tax evasion, at money laundering. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News