Naaresto sa Quezon City ang isang lalaki na pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa pagnanakaw umano sa isang pamilya na kumupkop sa kaniya sa Marikina. Ang modus ng suspek, magpanggap na walang tirahan at magpiprisintang mamamasukan sa bahay na kaniyang tatargetin.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing Abril nang pagnakawan ng suspek ang isang pamilya sa Marikina na kumopkop sa kaniya at nagbigay ng trabaho.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahay ng biktima, nakita na tinangay ng suspek ang mga gamit pamilya gaya ng mga cellphone, laptops, power tools at pera.
Sa kabuuan, aabot umano sa P150,000 ang halagang nakulimbat ng suspek sa mga biktima.
Tatlong buwan bago ang insidente, ikinuwento ng anak ng may-ari ng bahay, na kinupkop ng ama niya ang suspek na wala raw tirahan para magtrabaho sa kanila.
“Nagpakita siya ng ID na pintor siya parang company ID, so kinuha ni papa para magtrabaho dito,” saad nito.
Hindi niya inakala na ganoon ang isusukli ng suspek sa kabutihang ginawa nila rito.
Nadakip ang suspek sa Cubao, Quezon City at hinihinala ng pulisya na naghahanap ito ng bagong mabibiktima.
“Eto ay isang notorious na magnanakaw at ang front niya ay scavenger sa Cubao,” Ayon kay Police Captain Christian Bugtong-EPD, District Mobile Force Batallion.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may nabiktima na rin ang suspek sa katulad na modus sa Pasig pero hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya.
Pinayuhan ni Police Brigadier General Wilson Asuetam, EPD Director, ang publiko na maging maingat sa mga taong tatanggapin sa bahay at alamin na mabuti ang background nito.--FRJ, GMA Integrated News