Tinangay umano ng dalawang lalaking magnanakaw ang P20,000 halaga ng kita ng isang tindahan sa Antipolo, Rizal. Ang nagsilbing lookout na nadakip kalaunan, iginiit na nadamay lamang siya.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang paglalakad ng dalawang lalaki sa gilid ng kalsada sa Maria Corazon umaga noong Biyernes.

Ilang sandali pa, tumigil sila at tila may tinitingnan sa isang tindahan, bago naglakad palayo. Naghahanap na pala ang mga suspek ng tindahang mananakawan.

Hindi na nakunan sa CCTV ngunit sa sumunod na sari-sari store, dito na nakapambiktima ang dalawang salarin.

Isinalaysay ng may-ari ng tindahan na si Jan Jan Babor na ang kanyang 12-anyos na anak ang bantay sa kanilang tindahan nang manakawan sila. Nagpanggap umano na bibili ng itlog ang mga suspek.

"Siyempre 'yung bata kukuha ng gano'n. Tapos ngayon nu'ng paglingon niya, sumigaw na siya. 'Kuya ano yan?' May nadakot na 'yung pera sa lagayan tapos nilagay sa bulsa niya. Tapos ngayon 'yung itlog, nakahawak 'yung isa, 'yung lockout," sabi ni Babor.

Puwersahan umanong kinuha ng isa sa mga lalaki ang pera ng tindahan.


"'Yung benta sa tindahan na ilang araw, tapos 'yung sa paluwagan din nila, ng mga kababaihan. Ayon, umabot siya ng P20,000, 'yun 'yung halaga ng nakuha ng pera ng magnanakaw talaga," dagdag ng may-ari.

Kalaunan, nakorner ng ilang saksi sa pagnanakaw ang isa sa dalawang suspek, na siya umanong naging lockout. Kinilala ang suspek na si alyas "Sam," 24-anyos at residente ng Cainta, Rizal.

Ang lalaking nakatakas ang siyang umanong nakatangay sa perang ninakaw. Ayon naman sa nadakip na suspek, nadamay lang siya.

"Napasama lang rin po, hindi ko rin po talaga alam na gano'n po 'yung gagawin ng kasama ko kasi eh," sabi ng suspek, na iginiit na lookout siya.

"Wala pong katotohanan 'yun, 'yung gano'ng kalaking pera na nakuha. Wala po talagang nakuha sa kanila, sabi pa niya.

Inihahanda na ang reklamong isasampa sa suspek na kasalukuyang nakadetene sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station, habang patuloy ang pagtunton sa nakatakas na suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News