Nagsama-sama ang mga pangunahing media organizations, social media platforms, at academic institutions nitong Biyernes upang lumagda sa panata na labanan ang fake news at maling impormasyon.
Halos 60 kasangga ang dumalo at lumagda sa naturang layunin sa pagtitipon na pinangunahan ng GMA Network.
Sa kaniyang pambungad na mensahe, binigyang-halaga ni GMA Network Chairman Atty. Felipe L. Gozon ang kahalagahan na itaguyod ang katotohanan para sa bayan.
“Fake news is both dangerous and harmful but the truth is glorious and useful. It fosters an informed populace, essential for functioning democracy and stronger society,” ani Gozon.
“With it, we lay the groundwork for transformative projects that enhance the lives of every Filipino,” patuloy niya.
Sa isang survey noong September 2022 ng Pulse Asia, lumitaw na 9 sa 10 Pilipino ang naniniwala na problema sa bansa ang fake news.
Sa survey naman ng Social Weather Stations sa unang bahagi ng 2021, nakasaad na 67% ng mga tinanong ang naniniwala na seryosong problema sa internet ang fake news. Nakasaad din sa naturang survey na 51% ng respondents ang naniniwala na "very or somewhat difficult to spot" ang fake news.
Dahil sa naturang mga pananaw ng publiko tungkol sa fake news, sinabi ni Gozon na nagpasya ang GMA Network na palawakin pa ang misyon nito.
“Because of the increasing and wide proliferation of fake news including the so-called deepfakes in all media platforms, we thought of organizing a group composed of those who can directly and indirectly help to fight fake news,” ayon kay Gozon.
“And we believe that it is now timely to do this with the coming midterm elections in May 2025,” dagdag niya.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, na makakatulong ang naturang hakbang laban sa fake news at disinformation upang makapili ng tamang kandidato ang mga botante.
“Sobrang laking tulong sapagkat alam niyo kapag kampanya kailangan talaga makatotohanan lang. Totoong kandidato, totoong pangako, at totoong paggastos,” paliwanag ni Garcia.
“Dapat laging totoo. Kasi kapag pumasok ang fake na kandidato, fake na paggastos, at fake na pangako ay mag-e-elect tayo ng mga fake na lider ng ating bansa,” patuloy ng opisyal.
Nagpadala ng kanilang mga kinatawan sa naturang pagtitipon ang television networks na All TV at Zoe Broadcasting Network.
Kabilang din sa mga kasangga sa naturang layunin ang mga broadsheets at online news sites, kabilang ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, Manila Times, Manila Standard, Daily Tribune, Malaya Business Insight, Philippine Business Daily Mirror, Philippine Entertainment Portal (PEP), Rappler, PressONE.PH, at Sunstar.
Lumagda din sa naturang layunin ang kinatawan mula sa radio stations na MBC Media Group, Quest Broadcasting Inc. (Magic 89.9), at Far East Broadcasting Company (FEBC).
Nakiisa rin ang mga media organizations kabilang ang Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP), Philippine Press Institute (PPI), Catholic Media Network (CMN), Manila Overseas Press Club (MOPC), Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), at FactsFirstPH.
Kasama rin sa naturang inisyatiba ang Youtube.
Kaisa rin sa Panata Kontra-Fake News ang mga academic institution na:
- Arellano University
- Colegio de San Juan de Letran
- De La Salle-College of Saint Benilde
- Emilio Aguinaldo College
- Jose Rizal University
- Lyceum of the Philippines University
- Mapua University
- San Sebastian College - Recoletos
- University of Perpetual Help System DALTA
- Adamson University
- De La Salle University
- Far Eastern University
- National University
- University of the East
- University of the Philippines Diliman
- University of the Philippines Los Baños
- University of Santo Tomas
- Polytechnic University of the Philippines
- Silliman University-Dumaguete
- Mariano Marcos State University
- University of St. La Salle
- De La Salle Lipa
- Ateneo de Naga
- University of San Carlos
- Universidad de Dagupan
- University of Science and Technology of Southern Philippines
- Central Mindanao University
- University of the Philippines Mindanao
- Holy Cross of Davao College
- Notre Dame of Dadiangas University
- University of San Agustin- Iloilo
- University of the Philippines Visayas
- Western Mindanao State University
Ayon kay NUJP chairperson Jonathan de Santos, dapat na magkaisa ang iba pang organisasyon sa paglaban sa fake news dahil isa umanong “coordinated” effort ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
“Ang expectation kasi for news organizations or for journalists ay tinutulungan natin yung audience natin na maintindihan yung mundo para makagawa sila ng tama at sarili nilang desisyon,” sabi ni de Santos.
“Pero kung polluted yung information environment mo ng fake news and misinformation, mas mahirap para sa kanila na gumawa ng mga ganitong desisyon,” dagdag pa niya.
Ginanap ang paglagda sa pagkakaisa laban sa fake news at maling impormasyon, kasabay ng selebrasyon ng National Press Freedom Day. —mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News