Mistulang stuntman ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumampa sa harapan ng isang umaarangkadang kotse na tumakas umano sa kinasangkutang aksidente sa Taguig City.   

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang dash cam footage na makikita ang nakaunipormeng MMDA traffic enforcer na nakasampa sa hood ng umaarangkadang kotse sa Lawton Avenue.

Isang MMDA enforcer din ang nakitang hinahabol ang tumatakas na sasakyan.

Sa isa pang video, sinabing nasangkot ang kotse sa aksidente na nakabangga ng ibang sasakyan pero hindi ito tumigil kaya hinabol ng mga enforcer hanggang sa sumampa na ang isa sa kanila.

Gayunman, nakatakas ang kotse at ligtas naman na nakababa ang enforcer.

Dahil nakuha naman ang plaka ng sasakyan, inaalam na ng MMDA kung sino ang may-ari nito at kung sino ang nagmamaneho nang mangyari ang insidente.

Hihilingin din ng MMDA sa Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang lisensya ng driver. —FRJ, GMA Integrated News