Patay ang isang 57-anyos na lalaki matapos siyang barilin habang naglalaba sa tapat ng kaniyang bahay sa Tondo, Manila. Ang suspek sa krimen, ang ama ng dalagita na umano'y ginahasa ng biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nakita sa CCTV camera ang suspek na isang security guard na kalmadong naglalakad palayo sa pinangyarihan ng krimen.
“Binaril siya nang malapitan, habang siya ay nakatalikod, dalawang beses na kaagad niyang ikinamatay. Kamag-anak niya itong naging biktima niya. Nagawa niya ito dahil hinalay ng biktima yung kaniyang anak,” ayon kay Manila Police District (MPD) director Police Brigadier General Tom Ibay.
Dahil sa kuha ng CCTV camera, natukoy ang pagkakakilanlan ng 42-anyos na suspek at naaresto sa follow-up operation.
Ayon sa pulisya, nagalit ang suspek sa biktima na kaniyang kamag-anak nang matuklasan nito ang ginawang panghahalay sa kaniyang 15-anyos na anak na babae kapag nagpapamasahe.
Nagpasya ang suspek na patayin ang biktima nang malaman niya na hindi agad ito maaaresto dahil noong nakaraang taon pa nangyari ang krimen, at kailangan na nilang magsampa ng demanda sa korte.
Nang tanungin sa piitan, inihayag ng suspek na hindi siya nagsisisi sa kaniyang ginawa.
“Kasi sa tingin ko tama naman 'yon sa kaniya. Hinalay kasi niya ang anak ko nang mahabang panahon. Masakit kasi siyempre lolo siya tapos apo niya ang anak ko,” ayon sa suspek.—FRJ, GMA Integrated News