Hindi hadlang sa isang 75-anyos na “Tsuper Lola” ang kaniyang edad para magpatuloy na umarangkada sa pamamasada para sa kaniyang pamilya.
Sa ulat ni Katrina Son sa State of the Nation, ipinakilala si Lola Normina Macatiag, na nasa kalsada na simula 6 a.m. pa lamang, at inaabot ng 10 p.m.
Kaya pa ni Lola Normina, na may rutang Monumento-Malinta, na makipagsabayan sa pagmamaneho sa kalsada.
“Masaya ako. Nagdarasal ako kapag habang tumatakbo ‘yung sasakyan. Kapag walang maraming pasahero kung minsan kumakanta ako ng kantang pang-simbahan, sumasaya ako kasi ‘yung mga bago palang ako nakitang nagda-drive, kinakausap nila ako,” sabi ni Lola Normina.
Bata pa lamang si Lola Normina nang mahilig na siya sa pagmamaneho ng jeep, na negosyo noon ng kanilang pamilya.
“Noong 1997, pagka ginarahe ang jeep, iiikot ko para tingnan ko kung kaya ko, tapos nawili na ako sa pagda-drive,” kuwento niya.
Taong 1998 nang magsimula na si Lola Normina na mamasada.
Malaki ang naitutulong ng kaniyang pagbiyahe sa gastusin para sa kaniyang pamilya.
“Hangga’t kaya ng katawan, may kasamang panalangin, kakayanin din,” sabi ni Lola Normina. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News