Nagmartsa ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City nitong Sabado ng umaga upang ihain ang warrant of arrest laban kay KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy. Ang isang miyembro ng KOJC, pumanaw dahil sa heart attack.

Namataan ang daan-daang tauhan mula sa PNP Regional Office XI (PRO 11) sa bukana ng KOJC compound sa Buhangin District bago magbukang-liwayway, ayon sa ulat ni Jaycel Villacorte ng Super Radyo Davao sa Dobol B TV.

Sinabi ni PNP Region XI director Brigadier General Nicolas Torre III na plano nilang puwersahang pumasok sa compound.

Pumasok ang kapulisan sa compound bandang 4:50 a.m., ayon kay PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey.

Ayon sa PRO 11, aabot sa 2,000 pulis mula sa PRO 10, 11, 12, at 13 ang naka-deploy para sa operasyon, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao.

 

"Nandito sa loob [si Quiboloy]. Hinahanap namin," sabi ni Torre sa panayam sa Super Radyo dzBB.

"Dalawang warrant of arrest ito sa mga kaso nila. Sa bawat warrant, tigli-lima sila... Kasama rin ang mga co-accused niya sa hinahanap natin," sabi pa ni Torre sa panayam.

 

Hinigpitan ng kapulisan ang seguridad sa compound, at walang pinayagang pumasok nang walang pahintulot ni Torre. Pinayagan naman ang mga miyembro ng KOJC na umalis sa compound kung gugustuhin nila.

 

Nagtalaga ng karagdagang tauhan mula sa PNP Civil Disturbance Management sa entrance ng compound.

 

"Sana sumurrender na siya (Quiboloy). Makikita at makikita rin siya. It's just a matter of time. Pahihirapan pa niya supporters niya," dagdag pa niya.

Sinabi ni Torre na mayroong 42 na gusali sa KOJC compound. Isa sa mga gusali nito ay may habang limang ektarya.

"Thorough search ang aming gagawin,” sabi ni Dela Rey.

Nakatanggap din umano sila ng impormasyon na nasa loob ng compound si Quiboloy.

Dagdag pa ni Dela Rey, mayroong underground facilities ang KOJC.

"May dalang kagamitan ang pulisya para matunton ang mga tagong area sa compound," sabi niya. "Gusto rin namin na sa pagpapatupad namin ng batas ay walang masaktan."

Tensiyon sa compound

Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, isa sa mga abogado ni Quiboloy, na ipinakita sa kaniya ng pulisya ang alias warrant of arrest pagdating nila dakong 3:45 a.m.

"Ipinakita sa akin ang alias warrant of arrest sa RTC Quezon City. Ang ginawa nila ngayon, ang dami nila (pulisya), mga 2,000 sila, ongoing ang search nila," saad ni Torreon sa panayam sa kaniya sa Super Radyo dzBB.

Tungkol sa kung nasa KOJC compound ba si Quiboloy, sinabi ni Torreon na “So far wala pa silang nakita pa dito.”

"Wala pa [naaresto ang pulis o ebidensiyang nakuha]. Wala pa silang nakita rito, despite the fact that more than an hour na sila nagse-search dito."

Sinabi ni Torreon na nagkatensiyon nang pasukin ng ilang pulis ang likod ng compound sa pamamagitan ng pagsira sa gate at paggamit ng tear gas kahit habang kausap pa niya ang kapulisan sa harapan ng compound.

"Habang nakikipag-usap siya (Torre) sa amin sa harap, warrant of arrest lang pinakita niya, pumasok na pala sa likod 'yung kanyang ibang mga tao... Nagkaroon ng tensiyon kasi while they were giving us around 30 minutes e du'n sa harapan, e may pumasok na du'n sa likod at giniba 'yung portion ng gate at nag-tear gas," anang abogado.

Sinabi ni Torreon na nakita niya ang dalawang miyembro ng KOJC na hinimatay at binibigyan ng medikal na atensiyon malapit sa katedral.

"May nakita ako mismo na dalawang tao from KOJC at binibigyan sila ng medical attention doon sa may cathedral ng KOJC...May mga na-heart attack. At kanina, may narinig ako, hindi ko pa confirmed, mayroon ata daw dalawang namatay. And I am still confirming the news po," sabi niya.

Namataan ang mga ambulansiya na labas-masok sa compound, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao.

 

Kinumpirma naman ni PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey sa Super Radyo Davao na may dinalang pasyente sa ospital.

"Kanina, may dinala sa ospital sa SPMC (Southern Philippines Medical Center) na isang patient," sabi niya.

"Ongoing pa rin ang pagse-serve natin ng warrant of arrest at pag-search sa compound ng KOJC," ayon pa kay dela Rey.

Isang KOJC member, pumanaw sa heart attack

Kinumpirma ng Davao regional police na isang miyembro ng KOJC ang namatay dahil sa atake sa puso habang isinasagawa ang police operation.

Ayon sa ulat ni Jaycel Villacorte ng GMA Super Radyo Davao, sinabi ng PRO 11 na isa itong lalaking KOJC member.

Pumanaw siya habang ipinatutupad ng pulisya ang warrant.

Ayon kay dela Rey, dead on arrival sa ospital ang lalaki, base sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao.

Quiboloy, susuko na ba?

Samantala, sinabi ni Torreon na igigiit ng mga abogado ni Quiboloy ang karapatan ng kanilang kliyente.

"Of course we will assert the rights of our client. Pang-ilan na nila itong tangkang service ng warrant of arrest na ito. Inexplain namin na sana mayroon na sanang certification ang NBI na na-serve na nila 'yung warrant of arrest pati 'yung alias warrant of arrest," sabi niya.

"Pero sabi kasi ni Gen. Torre na hindi ito ang panahon o lugar na makipag-debate siya as to whether or not the warrant of arrest has been served. Ang sabi niya, whether we like it or not, ise-serve daw nila ang warrant of arrest. 'Di na kami nakipag-away eh kasi masyado siyang determined to serve the warrant," dagdag pa niya.

Sinabi ni Torreon na wala siyang ideya kung susuko si Quiboloy sa mga awtoridad.

"I really do not know what is in the mind of Pastor Apollo Quiboloy because I have not talked to him," sabi niya.

Sinubukan ng PNP na magsilbi ng warrant of arrest noong Hunyo 10, 2024 laban kay Quiboloy sa Davao City.

Gumamit ng hagdan ang kapulisan noon para makapasok sa compound na nagdulot ng tensiyon sa pagitan ng mga pulis at mga misyonero ng KOJC na naghihintay sa labas ng compound.

Giit ng mga miyembro ng KOJC, hakbang ito upang takutin at pilitin si Quiboloy.

Nahaharap si Quiboloy sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at sa ilalim ng Section 10(a) ng parehong batas.

Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan ng korte sa Pasig.

Itinanggi ni Quiboloy ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Quiboloy noong Hulyo na magpakita na at harapin ang mga akusasyon na ibinabato laban sa kaniya.

Samantala, isang pabuya na nagkakahalaga ng P10 milyon ang iniaalok para sa anumang impormasyon na hahantong sa pagkakaaresto sa pinuno ng KOJC, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News