Nakabalik nang ligtas ang isang 20-anyos na babaeng tourism student sa kaniyang pamilya mula sa tangkang pag-kidnap sa kaniya sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing na-kidnap umano si alyas “Shane” sa may bahagi ng Balut.
Bago ang insidente, namataan ang biktima na sumakay ng tricycle sa bahagi ng Quiricada pasado 9 p.m. ng Huwebes.
Base sa salaysay ng tiyahin ng biktima, nagpahatid si Shane malapit sa isang tulay sa Balut upang makipagkita sa isang kaibigan.
Ngunit bigla na lamang umanong nagpadala ng mensahe ang biktima sa kaniyang nobyo at pinsan.
“May na-receive kami na message mula sa pamangkin ko na humihingi siya ng tulong. Sinabi niya na ‘Tulong, please tulong may humahabol sa akin, tawagan mo na si mama,’” anang tiyahin ng biktima.
“May biglang tumutok daw sa kaniya ng kutsilyo, tapos mabilis siyang pinaglalakad, tapos after nu’n wala na siyang malay,” patuloy pa ng tiyahin ng biktima.
Pagkagising ng biktima, nasa loob na siya ng isang kuwarto.
Agad niyang kinuha ang kaniyang gamit at tumakas.
Eksaktong may isang tricycle driver na nagsakay sa kaniya at ibinaba siya sa Rizal Avenue.
Bandang 1 a.m nitong Biyernes nang makita sa CCTV ang biktima na naglalakad na patungo sa tapat ng isang ospital.
Dito na sinubukang pakalmahin ng mga residente ang biktima bago nagdatingan ang kaniyang mga kaanak.
“Pasalamat ko lang na nabalik sa amin ‘yung pamangkin ko nang buhay. Kaya lang inaano namin ‘yung trauma na na-experience niya kasi wala siyang tsinelas, sobrang dumi, tapos kalat-kalat ‘yung gamit niya,” sabi ng tiyahin.
Sinabi ng barangay na nagsasagwa ng imbestigasyon sa kasalukuyan ang Manila Police District para matukoy kung sino ang posibleng dumukot sa biktima.
“Traumatized ‘yung bata kaya siguro next step po ‘yung pag-refer sa DSWD para for debriefing po,” sabi ni Brgy. Chairman Merwin San Diego. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News