Nakulong at nahaharap sa reklamo ang isang motorcycle rider na hindi umano tumigil sa pedestrian lane kahit may tatawid na mga bata, at inatake pa ng sipa ang traffic enforcer na sumita sa kaniya sa Muntinlupa.
Sa Facebook post ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, hindi niya itinago ang inis sa naturang rider na tinawag niyang pasaway at "kamote" na sinermonan niya sa loob ng PNP custodial facility nitong Miyerkules.
Ayon kay Biazon, pinahinto ng nakaunipormeng traffic enforcer ang rider sa may pedestrian crosswalk dahil may tatawid na mga bata na pauwi mula sa eskwela.
Sabi pa ng alkalde, pinapairal niya sa lungsod ang Pedestrian Priority Policy, o pagbibigay-galang ng mga motorista sa mga taong gumagamit pedestrian lane, na kadalasang nagkakaroon ng sakuna dahil sa mga sasakyang hindi tumitigil sa lugar kahit may mga tumatawid.
"Binalewala ng rider ang signal ng enforcer at tinakbuhan. Buti na lang at mayroon pang ibang enforcers na naharang siya. Ticket na lang sana ang makukuha niya pero siya ay nanlaban at ginamitan pa ng karate kick ang enforcer na tinuturing na person in authority," pahayag ni Biazon sa post.
Ayon kay Biazon, umiinit ang ulo niya sa mga "taong binabastos, nilalabanan o sinasaktan ang mga person in authority, lalo na kung ginagawa lang naman nila ang kanilang tungkulin."
Pinuntahan din ni Biazon ang rider sa kulungan pera personal niya itong pagsabihan.
"Alam ko may buhay kang sarili pero dapat mas responsble ka dahil may anak ka. Kung nakasagasa ka dun may mga batang tumatawid ano sa tingin mo? O kaya anak mo ang masagasaan nang ganun dahil may isang pasaway sa kalsada," sabi niya sa rider na humingi ng paumanhin sa kaniyang ginawa.
"Mahirap na disiplina ang gagawin sa'yo ngayon para matuto ka. 'Maaawa ka sa mga anak mo, sa ginagawa mo sila ang maapektuhan," dagdag niya.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," aminado ang rider sa kaniyang pagkakamali. Nagmamadali rin umano siyang makauwi ng Quezon City.
"Inaamin ko naman po yung pagkakamali ko. 'Yun po dala lang ng problema kaya madaling uminit yung ulo ko," ayon sa rider.
Ayon kay Biazon, sinampahan ang rider ng reklamong Direct Assault at Resistance and Disobedience sa ilalim ng Article 148 at Article 151 ng Revised Penal Code. -- FRJ, GMA Integrated News