Nasawi ang mag-asawang senior citizens nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Fortune sa Marikina City nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkules, inihayag ni Armando Erano na lumabas lang siya ng bahay para bumili ng pagkain.

Pagbalik niya, nasusunog na ang kanilang bahay at naiwan sa loob ang kaniyang mga magulang.

"Hindi na ako makapasok para i-save ang mga magulang ko kasi yung apoy humaharap na po sa akin," pahayag niya.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), edad 80 ang lalaking nasawi, habang 84-anyos naman ang babae.

Umabot sa 18 bahay ang natupok, at nasa 24 na pamilya ang naapektuhan.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na naapula pagkaraan ng may isang oras sa ganap na 1:39 a.m.

Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunod na nagsimula umano sa ibaba ng isang two-storey house,  ayon sa BFP-NCR.—FRJ, GMA Integrated News