Tiniyak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na may mananagot kaugnay sa mga impormasyon na nakalabas ng bansa ang sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa isang pahayag, sinabi ng pangulo na magsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa nangyari at parurusahan ang mga nagpabaya.
"The departure of Alice Guo has laid bare the corruption that undermines our justice system and erodes public trust," ani Marcos sa pahayag na naka-post sa social media nitong Miyerkoles ng umaga.
"Let me be clear: Heads will roll," diin niya.
Inihayag ito ni Marcos matapos na iutos ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Martes, na kanselahin ang pasaporte ni Guo. Kasunod ito ng pagsisiwalat ni Senador Risa Hontiveros nitong Lunes, na nakalabas na ng bansa si Guo, noong July 18 patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Inaakusahan si Guo na hindi talaga Pinoy, kung hindi isang Chinese citizen na may pangalang Guo Hua Ping, at sangkot sa POGO hub operation sa kaniyang bayan.
Nang tanungin si Bersamin kung may deadline na idineklara si Marcos sa imbestigasyon sa pagkakapuslit ni Guo, tugon ng opisyal, “Understood as ‘as soon as feasible.’”
Nito ring Lunes, sinabi ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na nasa Indonesia na umano si Guo batay sa nakalap nilang impormasyon.
Nangako si Marcos, na hahabulin nila ang mga tumulong kay Guo na makalabas ng bansa.
"We will expose the culprits who have betrayed the people's trust and aided in her flight," ayon sa pangulo.
"A full-scale investigation is already underway, and those responsible will be suspended and will be held accountable to the fullest extent of the law. There is no room in this government for anyone who places personal interest above serving the Filipino people with honor, integrity and justice," dagdag niya.
Nitong Miyerkoles, sinabi ni Hontiveros na itinimbre na ng Department of Foreign Affairs ang mga pasaporte nina Guo at kaniyang mga kaanak sa Philippine Center on Transnational Crime para maalerto ang International Criminal Police Organization (Interpol). —FRJ, GMA Integrated News