Mahigit 10 tao ang nasaktan at nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko kaninang umaga ang salpukan ng isang dump truck at isang L300 FB van. Tumagilid pa ang truck at kumalat ang karga nitong mga buhangin sa bahagi ng C5 Eastwood sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang aksidente bago mag-5:00 a.m.
Sa lakas ng pagkakabangga, nagkayupi-yupi ang van at naipit ang mga sakay nito.
Base sa salaysay ng dump truck driver, binabagtas niya ang southbound lane ng C5 nang biglang kumaliwa umano ang isang motorsiklo sa panulukan.
Iniwasan niya ang motor, na humantong sa salpukan nila ng L300 van na binabagtas naman noon ang northbound lane.
Naging pahirapan ang pagsagip sa mga naipit na sakay ng van.
Kinailangang gumamit ng executing tools gaya ng spreader at cutter, at inalis din ang upuan sa likurang bahagi ng L300 van upang mailabas ang huling naipit na sakay.
Karamihan sa kanila ay nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Base sa inisyal na impormasyon ng GMA Integrated News, nagmula ang dump truck sa Rodriguez, Rizal at maghahatid ng buhangin sa Santa Rosa, Laguna.
Nanggaling naman ang L300 van sa Ortigas at pauwi na ang mga sakay galing sa trabaho at papunta sa Marikina.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News