Napag-alaman ng Department of Trade and Industry (DTI) na may 43 tindahan ang lumabag sa price freeze na ipinatutupad sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa pananalasa ng Southwest Monsoon (Habagat) at tropical cyclone Carina noong nakaraang buwan.
Dagdag pa ng DTI, 370 klase ng mga produkto ang hindi sumunod sa tamang presyo, ayon sa ulat ng Unang Balita ni Bernadette Reyes nitong Miyerkoles.
Naglabas na ang ahensiya ng notice of violation sa mga retail outlet na humihingi ng kanilang paliwanag.
Samantala, nag-inspeksyon si Acting Trade Secretary Maria Cristina Roque sa Guadalupe Market at isang grocery store at tiniyak na nasusunod ang mga iminumungkahing presyo.
Kabilang ang National Capital Region (NCR) sa mga lugar kung saan ipinatupad ang price freeze.
Tatagal ang price freeze hanggang Setyembre 24 upang matulungan ang mga mamimili sa kanilang badyet at maiwasan ang hindi tamang pagtaas ng presyo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News